Sat. May 9th, 2026

Muling lumutang ang usapin na naglabas na umano ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit hindi pa ito kinukumpirma ng ICC.

Matagal nang tinukoy si dela Rosa bilang co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong *crimes against humanity*.

Anim na buwan nang hindi nagpapakita sa publiko si dela Rosa mula nang ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nakita na niya ang ICC arrest warrant laban sa senador.

Ito ay taliwas sa matapang na pahayag ni dela Rosa noong nakaraang taon na handa siyang harapin ang anumang mangyayari.

Karaniwan ay selyado at sikreto ang ICC arrest warrant na ipinapasa sa Interpol para ipatupad.

Nang dinakip si Duterte noong Marso 11, 2025, diffusion notice mula sa Interpol ang ginamit ng mga awtoridad.

Sa pagdinig sa Senado, inamin ni dating PCTC executive director ret. Lt. Gen. Anthony Alcantara na natanggap niya ang notice alas-3 ng umaga at agad itong ipinamahagi sa PNP, NBI, at DOJ bilang basehan ng pag-aresto.

Kung maglalabas ng warrant laban kay dela Rosa, magiging “baptism of fire” ito para sa bagong executive director ng Philippine Center for Transnational Crime (PCTC) na si ret. Maj. Gen. Romeo Prestoza, na nanumpa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Abril 13, 2026.

Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Prestoza na wala pang natatanggap ang PCTC na ICC arrest warrant laban kay dela Rosa, ngunit hindi niya binanggit kung may diffusion notice na mula sa Interpol.

Nauna rito, iniulat ng One PH na sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na naghahanda ang ahensya ng 10,000-person task force para sa posibleng dragnet operations sakaling maglabas ng warrant laban kay dela Rosa. # (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin