Fri. May 8th, 2026

📷: Dr. Raquel Fortun

 

Nanawagan si forensic pathologist Raquel Fortun sa publiko na igalang ang mga nasawi, lalo na ang mga biktima ng karahasan, matapos kumalat ang mga online comment mula sa tinaguriang “troll army of red-taggers” na tinawag ang 19 na napatay sa military operation sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, 2026 bilang “corned beef.”

“Igalang ninyo ang mga patay. Lalo na ang mga biktima ng violence. Everybody please step up, nakakahiya naman tayo,” ani Fortun sa press briefing kung saan inilabas niya ang preliminary autopsy findings sa lima sa 19 na nasawi.

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pawang kasapi ng New People’s Army ang napatay, habang iginiit ng Communist Party of the Philippines (CPP) na siyam ay sibilyan at sampu ay NPA fighters.

Red-Tagging bilang Armas ng Estado 

Matagal nang binabatikos ng human rights groups at ng Commission on Human Rights (CHR) ang red-tagging bilang sistematikong paraan ng panunupil.

Sa ulat ng CHR noong 2025, natukoy na ang red-tagging ay naglalagay sa panganib ng mga mamamahayag, abogado, estudyante, lider-manggagawa, katutubo, at mga organisador ng komunidad.

“Red-tagging is not a harmless label. It creates a real and well-founded risk of harm,” ayon sa CHR.

Sa ulat ng Amnesty International noong Oktubre 2024, ibinunyag na mas agresibong ginagamit ng mga awtoridad ang Facebook para sa red-tagging laban sa kabataang aktibista, lalo na sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Sentro ng kampanya ang NTF-ELCAC Facebook page na paulit-ulit na naglalathala ng maling akusasyon laban sa mga aktibista.

Matapos mabigo ang peace talks sa CPP-NPA-NDFP, nag-umpisang tumindi ang red-tagging sa ilalim ng administrasyong Rodrigo Duterte.

Sa pamamagitan ng Executive Order 70 noong 2018, itinatag ang NTF-ELCAC, na ginamit ng gobyerno bilang dahilan para sa mas malawak na crackdown laban sa mga aktibista at sinasabing mga dissident.

Pinalakas pa ito ng Anti-Terrorism Act of 2020 na nagbibigay kapangyarihan sa pulis at militar na ikulong ang sinumang pinaghihinalaan nang walang warrant hanggang 24 na araw.

Ayon sa ulat, ang red-tagging ay matagal nang ginagamit para mag-udyok ng banta at atakeng panunupil.

PGMN at Pondo ng NTF-ELCAC 

Nagpahayag ng pangamba si Atty. Ruben Carranza, isang senior expert sa New York-based International Center for Transitional Justice at dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner, na bahagi ng ₱8-bilyong pondo ng NTF-ELCAC ay maaaring napunta sa Peanut Gallery Media Network (PGMN), kilala sa red-tagging.

Inaresto kamakailan ng NBI ang PGMN owner na si Franco Mabanta sa kasong robbery/extortion na isinampa ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Nauna rito’y, naghain si Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ng House Resolution 980 para imbestigahan ang umano’y disinformation operations ng PGMN at himukin ang BIR na silipin ang financial activities nito para sa posibleng tax evasion. # (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

 

By admin