Thu. Nov 21st, 2024

SA politika sa Pilipinas, sadyang totoo ang kasabihang “weather-weather lang.”

Kitang-kita ‘yan sa sitwasyong kinakaharap sa kasalukuyan ng pamilya Duterte.

Mula sa mahigpit na hawak nila sa poder sa Davao City, naluklok sa Palasyo ang patriarch ng Duterte political dynasty.

Sa kabila ng kanilang malakas na impluwensya sa politika, nasa alanganing kalagayan sila sa ngayon at kahit na pinabulaanan ng liderato ng Mababang Kapulungan ang naging pahayag ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro na may planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, naniwala sa kanya ang ama ng bise-presidente na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa katunayan, nagbabala siyang babalik sa politika kapag na-impeach si VP Sara at kakandidatong senador sa 2025, bise-presidente sa 2028 kapag ang kanyang anak ang magiging presidential bet sa 2028.

Ibig sabihin, bilib si Duterte sa impormasyong isinapubliko ni Castro hinggil sa impeachment plan laban kay VP Sara kaysa pahayag ng pagtanggi ng liderato ng Mababang Kapulungan.

Kahit literal na “bumubula” sa galit si Duterte sa pag-red-tagged kay Castro, pilit siyang binabansagang kaalyado ng rebeldeng komunista  gayundin si House Speaker Martin Romualdez na naimpluwensiyahan na rin daw ng nasabing pangkat, hindi umuubra ang naturang taktika.

Tila nagkamali si Duterte sa pagtawag niyang “rotten” sa Mababang Kapulungan dahil naghain  ng resolution ang dalawang kongresista na nananawagan sa lahat ng departamento ng gobyerno na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court sa madugong Duterte drug war.

Ang “inagaw” na partido ni Duterte na PDP-Laban, naghihingalo na ang kasapian mula sa dating majority party sa bansa.

Nangangahulugan na wala nang natatakot sa ginagawang red-tagging spree ni Duterte at kapansin-pansin na rin ang madalang na opensiba ng New People’s Army sa nakalipas na mga buwan.

Sa ganitong pangyayari, mukhang nahihinog na ang sitwasyong politikal para muling buksan at umusad ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP).

May pruweba na epektibo ang mga progresibong mambabatas sa kanilang papel sa Kongreso kaya’t maaaring mahikayat ang liderato ng CPP-NPA-NDF na umupo sa hapag ng negosasyong pangkapayapaan.

Posible kayang ang armadong pakikibaka na sinimulan laban kay Marcos Sr. ay matuldukan sa administrasyon ni Marcos Jr at dalhin na lang sa Kongreso ang kanilang adbokasiya?

Ito ang senaryo na tiyak na hindi magugustuhan ng mga Duterte at kanilang mga alipores kaya asahan na lalo pang titindi ang tunggalian sa nabiyak na UniTeam.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *