📷: Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice
Naniniwala si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na dapat ipatawag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste upang magbigay linaw sa hawak niyang record ng umano’y palitan ng text messages nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating PLLO chief Adrian Bersamin hinggil sa kickback sa flood control projects.
“It’s better siguro si Sen. Lacson, siya naman ang nagsimula na involved ang mga Bersamins. Why not call Leviste in the Blue Ribbon Committee and ask him to show all these files kasi hindi naman dine-deny ni Cong. Leviste na pinakita nya sa amin. Hindi naman nya made-deny, ang dami namin, puro Congressman,” sabi ni Erice sa panayam sa ANC.
Kinompirma ni Erice na limang silang kongresista, kasama si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, na inimbitahan ni Leviste upang ipakita ang mga umano’y ebidensyang hawak niya na ipinagkatiwala sa kanya ni Bersamin.
Dahil ibinasura na ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Marcos Jr., nasa kamay na aniya ni Lacson ngayon ang responsibilidad para siyasatin ang “Bersamin case.”
“I think it’s the responsibility of Sen. Lacson as chairman of the Blue Ribbon Committee to continue the investigation of the Bersamin case,” giit ni Erice.
Nang tanungin si Erice kung hihimukin niya si Bersamin na lumutang para patotohanan ang mga alegasyon laban kay Marcos Jr., sinabi ng kongresista,” Hindi ko po gagawin ‘yun. Unang-una hindi ko naman siya ganong kilala at siguro nakita ko siya twice lang sa buong buhay ko.”
Dapat aniyang maglabas ng detalyadong paliwanag ang Malacanang sa isyu at hindi basta sabihin lamang na paninira lang ito kay Marcos Jr.
“Dapat siguro ipaliwanag nila nang detalye kung ano ang nangyari sa akusasyon na ito Sagutin nila, hindi yung sinasabi nila na tapos na ‘yan, sinisiraan lang kami. Hindi dapat ganun. Meron kasing mga serious allegations,” ani Erice.
Kapag hindi ito ginawa ng Palasyo ay pahiwatig aniya ito na talagang mag pinagtatakpan.
“Ang pahiwatig nun, talagang may pinagtatakpan. Habang may pinagtatakpan, nahihirapan ang bayan.” (ROSE NOVENARIO)