Fri. Nov 22nd, 2024

NAGSISILBING “baptism of fire” kay Education Secretary Sonny Angara ang  mga despotikong galawan ni presidential brother-in-law Greggy Araneta sa kinakamkam nitong Pangarap Village sa Brgy. 181 sa Caloocan City dahil pati mga paraalan sa lugar ay ginigipit niya ang mga estudyante at guro.

Pagmamay-ari ni Araneta ang Carmel Development Inc. (CDI), ang kompanyang nangangamkam sa Pangarap Village.

Sa update ng Bayan Muna sa usapin ay nabatid na nakatanggap ngayong araw, ika-31 ng Hulyo, ang mga guro ng School Memorandum No.35 S.2024 mula sa District Office ng DepEd Tayo Caloocan City na ang subject ay: “REMOVAL OF STUDENTS FROM THE LIST NOT RESIDING IN PANGARAP VILLAGE”

Nakasaad sa Order na ito na pinapatanggal sa mga guro sa enrollment list ang mga estudyanteng hindi naninirahan sa loob ng Pangarap (tulad ng mga galing sa Mt. Heights, Ciudad Real, taga-Sapang Alat, taga-Adeline, at karatig na barangay).

Ngunit huwag daw tanggalin ang isang bata na anak ng School Parent-Teacher Association (SPTA) na nakatira sa kahabaan ng Quirino Hiway at nakiusap na patapusin ang kaniyang anak ng Grade 6 ngayong taon.

Inaatasan din ng Order na ito ang mga advisers ng Pangarap Elementary School at Pangarap High School na kausapin ang mga magulang ng mga maaapektuhang estudyante. Sila ang pinapaharap sa mga tiyak na aalma na at mahihirapang mga magulang.

Ayon din sa Order, inaatasan din ang mga guro na maghanda ng worksheets para sagutan ng mga mag-aaral dahit naka-Alternative Delivery Mode sila ngayong araw. At mayroong istriktong oras para sa pagreport ng mga guro sa paaralan (para sa panghapon na klase ay pumunta ng alas-11 ng umaga at umuwi ng alas-5 ng hapon.)

Tanong at daing ng mga residente, isang araw matapos ang pagsasara ng mga gate at pagsasabi ng mga guard-goons ng CDI na bawal na pumasok dahil private property diumano na ang Pangarap, bakit ngayon lang binaba ang Order na ito?

Bakit ipinapasa sa mga guro lahat ng obligasyon, pati ang pagpapaliwanag sa mga magulang na tiyak mahihirapan sa biglaan at sapilitang pagtatanggal ng kanilang anak na naka-enroll na at nagsimula na ng 1 araw ng pasok sa mga paaralan?

Ayon sa isang guro, “Catchment policy” daw ito ng DepEd, na kung sino lang yung talaga-doon yun lang ang mag-aaral. Tingin nila ay palusot lamang ang polisiya na ito at nangangatwirang para tiyakin na ang mga estudyante ng Pangarap ES at Pangarap HS ay tunay na residente ng Pangarap.

Ang katotohanan, patuloy ito ng pahirap at panggigipit ng guard-goons ng CDI at ni Araneta sa mga mamamayan. Mahigpit na kinokontrol ang akses sa lugar, maski edukasyon ng kabataan binabalewala para lang imintina ang kanilang kontrol at pagasta na private property ang lugar.

Paalala ng isang mamamayan, noon pa mang February 20, 2002 ay may Supreme Court Decision na patungkol sa inihaing complaint ng CDI sa RTC na lupa nila ang kinatitirikan ng mga paaralan kaya dapat itong ipatanggal.

Ang hatol ng Korte Suprema ay DISMISSED WITHOUT PREJUDICE, mahahanap itong kasong ito sa case number G.R.No.242572. Kaya tahasang nilalabag ng CDI ang karapatan sa edukasyon ng mga kabataan dahil lamang tatawid sa boom at papasok sa gate ng Pangarap ang mga “outsider”. At tahasan din nitong binabastos ang Korte Suprema sa pagbabalewala ng hatol sa kaso kaugnay ng mga paaralan laban sa kanila.

Sa ganitong mga despotikong galawan ng mga Araneta at pagpapakatuta ng DepEd sa kabila ng pagkakaroon ng hatol mula sa Korte Suprema, apektado maski mga kabataan na hindi taga-Pangarap.

Kawawang guro, mag-aaral at magulang. Matapos ang delubyo ng Bagyong Carina, delubyo naman ng panggigipit ng CDI na pagmamay-ari ng bayaw ni Bongbong Marcos., si Araneta.

Ang mga tinanggal sa mga paaralan ng Pangarap ES at HS ay sapilitang mapapalipat sa ibang paaralan. Sa krisis ng ekonomiya, gagastos na naman para sa ibang uniform ang mga magulang, dadagdag sa kahirapang kinakaharap na ng mga pamilya at kabataan, dahil lang sa kasakiman ng CDI at ni Araneta.

Bakit ang mga guro, magulang at mga estudyante ang tila magaadjust para lamang sa interes ng pribadong kumprador? Kanino po ba kayo pumapanig Mayor Along Malapitan at DepEd Tayo Caloocan? Ganiyang patatakbo ba ang paiiralin mo Sonny Angara?

Panawagan ng Bayan Muna, itigil ang panggigipit at panghaharass! Isulong ang karapatan ng mga kabataan sa edukasyon kasabay ng pagdepensa sa tirahan ng mga taga-Pangarap! Unahin ang interes ng Bayan at ng mamamayan, hindi ng mga iilan!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *