MARIRINIG ngayong hapon ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at inaasahan na ihahayag niya ang kanyang plano para sa susunod na taon at ang mga nakamit ng kanyang administrasyon sa nakalipas na taon.
May ilang personalidad at politiko ang nagsabi na kompara sa administrasyong Duterte, mas malaya at ligtas na raw ang mga mamamahayag sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.
Maaaring tama ito sa punto ng ilan na ang gustong marinig at mabasa ay ang mga pagbatikos lamang sa administrasyong Duterte na pumuposturang “oposisyon” sa kasalukuyang nakaupo sa Palasyo.
Ngunit batay sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), dumami ang pag-atake sa mga mamamahayag sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr. kompara sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte o 77% na pagtaas sa bilang ng mga insidente sa parehong panahon.
“The number of attacks under Marcos Jr. is higher compared to the first 2 years of Duterte, or a 77% increase in the number of incidents covering the same period,” anang NUJP.
Simula nang maluklok si Marcos Jr. ay naidokumento ng NUJP ang 136 insidente ng pag-atake kabilang rito ay “killings, cyber libel / libel, cyber attacks, physical attacks, online attacks, red-tagging, harassment /surveillance, denial of coverage, censorship, arrests, theft/loss/damage, death threats, other forms of judicial, closure order.”
Malinaw na ang mga tunay na kaganapan ay taliwas sa pahayag ni Marcos Jr. noong ika-50 anibersaryo ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), “This government will remain committed to ensuring transparency and good governance, freedom of expression and of the press, and the protection of media practitioners, and their rights on the practice of their profession.”
Habang sa ika-50 anibersaryo ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) ay sinabi ni Marcos Jr, ” I am of the opinion that national interest is better served by a press that is critical rather than a press that is cooperative. The President’s role is to defend press freedom, and not lead in destroying it or demeaning its practitioners.”
Kaya ang panawagan kay Marcos Jr. ng iba’t ibang grupo ng media sa bansa na nagtipon sa 1st Philippine Media Summit, gumawa ng mga konkretong hakbang upang suportahan ang isang kritikal na pamamahayag lalo na’t sinabi niya dati na ito ang “pinakamahusay na nagsisilbi sa pambansang interes.”
Ayon sa convenors, unahin na ni Marcos Jr. ang legislative measures na magde-decriminalize ng libel at magpatibay ng Freedom of Information Law.
Hiniling rin ng convenors kay Marcos Jr. na gumawa ng malinaw na paninindigan upang wakasan ang red-tagging na ginagamit upang puntiryahin ang mga mamamahayag, matapos na maglabas ang Korte Suprema ng landmark na ruling noong Mayo na nagdeklara ng red-tagging bilang banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga tao.
“Red-tagging, vilification, labelling, and guilt by association threaten a person’s right to life, liberty, or security, which may justify the issuance of a writ of amparo,” sabi ng Korte Suprema.
Itinulak din ng convenors ang pagtanggal ng probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 na nagtakda na kabilang ang mga mamamahayag bilang posibleng saksi sa mga kaso ng droga.
“For as long as this provision is not removed, journalists are at risk of being cited for contempt or subjected to arrest warrants for not showing up in courts as witnesses in drug cases,” anila.
Maraming panukalang batas ang inihain sa Kongreso na naglalayong i-decriminalize ang libel, na ginawang armas laban sa mga mamamahayag at ginamit bilang isang tool upang protektahan ang public officials laban sa mga kritisismo at mapanirang-puri na pananalita.
Kahit ang dating administrasyon ay naglabas ng executive order sa FOI, ang panukala ay sumasaklaw lamang sa mga departamento at opisina sa ilalim ng Executive Branch.
Giit ng convenors, ang isang isinabatas na FOI, na suportado ng iba’t ibang organisasyon ng negosyo, ay magsusulong ng transparency sa mga transaksyon ng gobyerno kahit sino pa ang maupo sa Malacañang.
Sa ikatlong taon ni Marcos Jr. sa poder, inaasahan na maaantig siya sa mga panawagan ng sektor ng media dahil dito masusukat ang kanyang sinseridad sa mga binitawang pahayag tungkol sa mahalagang ambag ng kritikal na pamamahayag sa pambansang interes.
Dapat magbalik-tanaw si Marcos Jr. upang mabatid ang mahalagang papel na ginampanan ng critical media sa paghubog sa kasaysayan ng Pilipinas.