ISANG trapo as in traditional politician na nangangarap na makabalik sa Kongreso, ang hilong talilong sa paghahanap ng kuwartang gagastusin sa kanyang kampanya.
“Nalulugi rin kasi ang mining business na sinawsawan niya kaya masakit ang kanyang ulo kung paano maiiahon ito sa tiyak na pagbagsak dagdag pa ang mahigpit na pangangailangan sa campaign funds” pagbibida ng Chismosa sa Monumento.
Naisip raw na taktika ni Mr. Trapo para magkamal ng pera ay magpagamit sa isang foreign company para sa demolition campaign laban sa isang opisyal ng gobyerno.
“Kaliwa’t kanan ang press conference ni Mr. Trapo para ipinta ang kanyang sarili bilang “crusader” daw ng malinis na gobyerno pero bulok naman ang pagkatao,” nasusukang wika ng sidekick ng Chismosa sa Monumento.
Kung hindi ba naman daw addict sa pera si Mr. Trapo, aba’y mabilis pa sa kidlat na lumipat sa kampo ng Politikong Hidhid nang alukin siya ng daan-daang milyong piso para iwanan ang guwapo, bagito at matapang na local politician.
CLUE:
Mistulang sinampal ni Mr. Trapo ang kanyang sarili dahil tumama sa kanyang pagmumukhang tila nadapa sa langka, ang pagta-traydor kay Mr. Guwapo dahil nilaglag naman siya nang kinampihang Politikong Hidhid.
Nagising na lang si Mr. Trapo isang umaga na naglaho siya sa line-up ng Politikong Hidhid, ibig sabihin, binili lang siya para ilaglag si Mr. Guwapo.
Ang masaklap pa, mismong partido ni Mr. Trapo ay tinabla siya at nasuka sa kanyang pagiging ahas.
“Egg ay bugok?” biglang sabat ng Takatak Boy na nakikinig pala sa umpukan.
‘Yun na!