Fri. Nov 22nd, 2024

NAGHAHANDA na ang Amerika ng kanilang “reserbang kabayo” na political groups na may slogan na “clean governance” na nakahandang palitan ang pangkating Marcos sa 2028, sa gitna ng pagtindi ng tunggaliang Marcos at Duterte.

“Ngayon pa lamang, abala nang naghahanda ang imperyalismong US ng kanilang mga reserbang kabayo na mga grupong pampulitika na binubuo ng mga dating upisyal ng militar at mga grupong antikomunista, na gumagamit ng islogang “malinis na pamamahala” na tumatanaw na palitan ang pangkating Marcos sa 2028,” ayon sa kalatas ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong 15 Setyembre 2024 na iniltahala sa website ng partido.

Anang CPP, nagiging mabalasik at mabilis ang pagtindi ng hidwaan sa pagitan ng “magkaribal na reaksyunaryong pangkating Marcos at Duterte, na kapwa matingkad na kumakatawan sa tiwali at kriminal na naghaharing uri.”

Nagmumula anito ang tunggalian sa “walang-tugot na paghahabol ng pangkating Marcos na monopolyohin ang kapangyarihang pampulitika, habang nais namang ibalik at panatilihin ng pangkating Duterte ang dati nitong kapangyarihang pampulitika.”

“ Ang mga kontradiksyong ito ay tumitindi habang papalapit ang 2025 eleksyong midterm,’ giit ng CPP.

Tinukoy ng partido ang mahahalagang pangyayaring bahagi ng namumuong sitwasyong pampulitika gaya ng paggamit ng puwersa ng rehimeng Marcos sa pagdakip sa alipores ni Duterte na si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy sa Davao City kamakailan.

“Tinangka pa ni Duterte at ng mga kasapakat niya, kabilang ang anak niyang si Vice President Sara Duterte, at mga senador na sina Bato dela Rosa, Bong Go at Robin Padilla, na iligaw ang mga pulis sa hangaring protektahan si Quiboloy mula sa pag-aresto,” sabi ng CPP.

“Bago ito, napauwi at inaresto rin ng rehimeng Marcos si Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac. Tumakas siya sa Indonesia upang maiwasang tumestigo sa Senado kung saan inilalarawan siya na bahagi ng lambat ng operasyon ng mga sindikatong kriminal na Chinese sa Pilipinas. Sinisikap bigyang-akomodasyon ng rehimeng Marcos si Guo upang himuking ibunyag niya ang mga operasyon ng Chinese mafia at iugnay ang mga ito sa pangkating Duterte.”

Habang si Vice President Sara Duterte naman ay umastang mapanlaban nang humarap sa House Committee on Appropriations.”

“Sinawata niya ang mga tanong tungkol sa kanyang kaduda-dudang paggamit ng daan-daang milyong piso sa “intelligence funds.” Nahaharap siya ngayon sa posibilidad na ma-impeach sa pwesto,” anang CPP.

Sinabi ng CPP na ang mga nabanggit na insidente ay nagpapakita na mabilis na nahihinog na ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga pangkating Marcos at Duterte.

May posibilidad anito na humantong ito sa pagpapaunlak nu Marcos na maaresto si Duterte upang litisin sa harap ng International Criminal Court sa kasong crimes against humanity.

“Kung titingnan ang malawakang operasyon ng pulis at militar laban kay Quiboloy, masasabing sukatan iyon ng kahandaan ng naghaharing pangkating Marcos na gamitin ang armadong lakas upang durugin ang pampulitikang makinarya ng mga karibal nito,” wika ng CPP.

Sinabi ng partido na siguradong hindi hahayaan ng kampo ni Duterte na gumuho ang kanilang interes sa politika at ekonomiya kaya malamang na gamitin ang lahat ng hawak nitong rekurso.

“Anupaman, maaari pa ring humantong ang hidwaang ito ng mga paksyon sa pagsiklab ng armadong dahas na posibleng yumugyog sa katatagan ng naghaharing rehimeng Marcos, o kaya ay humantong sa higit pa nitong konsolidasyon at monopolisasyon ng kapangyarihang pampulitika.’

“Ang konsolidasyon ng naghaharing pangkating Marcos, sa kabilang banda, ay tiyak magbubunsod ng bagong mga kontradiksyon ng iba’t ibang paksyon ng mga naghaharing uri, gayundin ng magkakaribal na burukratang kapitalistang interes sa loob ng naghaharing pangkating Marcos.”

Matatandaan na lumutang ang pangkat na nagsusulong ng adbokasiyang anti-corruption at malinis na pamamahala noong nakaraang buwan ay ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) laban sa Corruption, Political Dynasties at Electoral Reforms na kinabibilangan ni retired police general at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na suportado ng ilang retiradong opisyal ng militar at pulisyaat nakaraang mga administrasyon, gayundin ng ilang business groups.

Si Magalong rin ang lider ng grupong Mayors for Good Governance na may anti-corruption advocacy rin. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *