INARESTO ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Lloyd Christopher Lao, dating officer-in-charge ng Department of Budget and Management – Procurement Service (PS-DBM), sa Davao City kaninang alas-11 ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, isinilbi ng CIDG ang arrest warrant na inisyu ng Sandiganbayan noong Setyembre 12 sa kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act na may piyansang P90,000.
Kasamang akusado ni Lao si dating Health Secretary Francisco Duque III sa kasong nag-ugat sa umano’y illegal na paglipat ng pondo noong COVID-19 pandemic.
Batay sa criminal complaint na isinumite sa Sandiganbayan, nakasaad na illegal na inilipat ng Department of Health (DOH) ang P41 bilyon sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) noong 2020, sa kasagsagan ng pandemic ng walang lehitimong katwiran.
Ang naturang pondo ay para sa pagbili ng medical supplies na kinakailangan para sa pagtugon sa pandemic kabilang ang detection kits, nucleic acid extraction machines, mechanical ventilators, personal protective equipment, surgical masks, cadaver bags, at iba pang testing kits.
Sinabi ng Ombudsman na pinahintulutan ni Duque ang paglipat ng pondo kahit hindi nito mapapabilis ang implementasyon ng proyekto at kahit may kapasidad naman ang DOH na isagawa ang pagbili.
Si Lao ay kinasuhan ng graft dahil ang PS-DBM ay tumanggap ng P41-billion fund transfer at siningil pa ang DOH ng 4% service fee na katumbas ng P1.65 bilyon para bilhin ang mga kailangan sa pagtugon sa pandemya. (ROSE NOVENARIO)