“MAGULO” umano sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija dahil sa memorandum na pinagbabawalan ang lahat ng sundalong nakatalaga sa kampo na tangkilikin ang mga business establishment sa paligid ng kampo.
Nagsimula umano ang hindi pagkakaunawaan mula ilabas ang memorandum na nagsasaad na,” In the references, all PAMU Commanders, Cos of Post Units and Chiefs of Offices are respectfully reminded to inform their respective personnel to refrain from patronizing business establishments within off limits area particularly in North and South gate areas.”
Ang naturang memo na may petsang 30 May 2024 ang naging hudyat ng kalbaryo ng mga maliliit na negosyante sa paligid ng kampo, partikular sa Brgy. Bago, Gen. Tinio, Nueva Ecija na umaasa lamang sa parokyano nilang mga sundalo.
“Kung tutuusin ay mas gusto ng mga sundalo na sa amin bumili kasi mas mura ang presyo kaysa loob ng kampo,” anang ilang residente.
Maging ang mga residenteng sundalo na nangungupahan sa paligid ng Fort Magsaysay ay pinaalis din umano ng mga opisyal ng kampo at pinagbawalan na rin mag-renta sa lugar.
“Bantay-sarado ng MP ang labas ng Fort Magsaysay para itaboy o paalisin ang mga sundalong bibili sa amin,” sabi ng mga residente ng Brgy. Bago.
Duda nila, may mga negosyo umano sa loob ng kampo na nais ng ilang opisyal na “kumita” kaya pinagbawalan ang mga sundalo na bumili sa labas ng Fort Magsaysay.
Noong nakalipas na buwan naman ay ilang sundalo ang nag-house-to-house sa kanilang barangay upang mag-census sa mga residente at hinahanapan ng titulo ang mga residente.
“Ano ang karapatan nilang gawin ‘yun? Hindi naman sila taga-PSA (Philippine Statistics Authority,” anang isang iritadong residente.
Ilang beses na umano silang humiling ng dayalogo sa mga opisyal ng kampo ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa sila napagbibigyan.
Umaasa silang maibalik ang dating magandang samahan ng mga residente sa labas ng kampo sa mga opisyal at sundalo sa Fort Magsaysay sa pamamagitan ng maayos at patas na dayalogo. (ROSE NOVENARIO)