Thu. Nov 21st, 2024

đź“·Danilo “Ka Daning” Ramos, KMP president

 

DAPAT na ituon ng gobyerno ang atensyon nito sa pagtulong sa mga lokal na magsasaka na makabangon sa halip na mag-angkat ng mas maraming bigas pagkatapos ng sunud-sunod na malalakas na bagyo nitong mga nakaraang linggo.

Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na hindi makatarungan ang plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-angkat ng mas maraming bigas dahil pinapahina nito ang lokal na produksyon at nanganganib ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, inuuna ng administrasyong Marcos ang tubo ng mga dayuhang mangangalakal at supplier, imbes na bayaran at tulungan ang mga magsasaka na nawalan ng mga pananim at kabuhayan sa mga bagyo.

Ani Ramos, dapat unahin ang agaran at makabuluhang kompensasyon para sa mga magsasaka na dumanas ng malaking pagkalugi dahil sa mga nagdaang bagyo.

Dapat aniyang maglaan ang gobyerno ng sapat na pondo para direktang mabayaran ang mga magsasaka, kabilang ang tulong na pera, subsidyo para sa mga binhi, pataba, at irigasyon.

“Ang tulong na ito ay dapat na mabilis at walang bureaucratic red tape.”

Inihayag ni Marcos Jr. noong Biyernes na malaki ang pagkalugi sa agrikultura dulot ng mga nagdaang bagyo at maaaring kailanganin ng gobyerno na mag-angkat ng mas maraming bigas bago matapos ang taon.

“I just received a report from the Department of Agriculture, and it looks like we’ll need to boost our imports. Fortunately, the prices for imported rice have significantly decreased compared to last year,” sabi ni Marcos.

Ayon sa Pangulo, ang importasyon ng bigas ay maaaring umabot sa 4.5 milyong metriko tonelada, isang pagtaas mula sa 3.9 milyong metrikong toneladang inangkat noong nakaraang taon.

Binanggit niya ang malaking pinsala sa mga palayan at iba pang pananim, na maaaring mangailangan ng pagdagdag sa pag-import ng bigas upang patatagin ang suplay at presyo ng pagkain.

“In terms of food security, we’re in a good position, but the damage is extensive,” sabi ni Marcos.

Ayon kay Department of Agriculture assistant secretary Arnel de Mesa nitong Lunes na umabot na sa mahigit P10 bilyon ang pagkalugi sa agrikultura dahil sa sunud-sunod na mga bagyong tumama sa bansa kamakailan.

Gayunman, sinabi ni Ramos na hindi solusyon ang pag-aangkat ng bigas para matugunan ang kakulangan sa suplay.

“Hindi bumaba ang presyo ng imported rice at nananatiling mataas ang production cost para sa local rice dahil sa kakulangan ng suporta ng gobyerno. Ang mga ganitong patakaran ay lalong nagpapahina sa mga magsasaka at nagpapalala ng krisis sa sektor ng agrikultura,” paliwanag ng Makabayan Senate aspirant.

Ipinunto ni Ramos na ang mga pagkalugi sa agrikultura ay sumasalamin sa kabiguan ng pamahalaan na ipatupad ang mga hakbang sa paghahanda sa kalamidad at bumuo ng isang climate-resilient agriculture system.

Hinamon ng KMP ang administrasyong Marcos Jr. na tutukan ang pagpapalakas ng lokal na produksyon kaysa umasa sa imported na bigas. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *