Bakit nga ba umaawas o bumabaha ng iba’t ibang klaseng ayuda na mula sa gobyerno ang pamilya Villar kumpara sa ibang kandidato ngayong 2025 midterm election?
Bilang pinaka-mayamang pamilya sa buong bansa, kailangan pa ba ng tulong sa mga ahensiya ng gobyerno ang pamilya Villar? Wala na ba silang makain?
Hindi ba dapat sila ang tumulong sa ating gobyerno dahil baon-baon na sa utang sa mga local at foreign lenders na umabot na sa P16.63 trillion nitong buwan ng Pebrero, ayon sa Bureau of Treasury?
Mantakin niyo, si dating Sen. Manny Villar pati ngayon ang nangunguna sa 15 Pilipino na nakasama sa bagong listahan ng Forbes Billionaires ngayong 2025, na may $17.2-billion o tumataginting na P980.4 billion sa P57 ratio ang pera ng pamilya sa kasalukuyan.
Sa listahan ng Forbes, lumago sa $17.2-billion nitong April 1, 2025, ang yaman ng 75-anyos na si Villar, mula sa $10.9-billion na nakalista noong 2024. Siya ang pinakamayaman ngayon sa Pilipinas, at pang-117 sa buong mundo.
Naungusan ni Manny Villar sina Enriquez Razon Jr., beer magnate Ramon Ang at si Lucio Tan, chairman LT Group.
Usap-usapan sa mga grupo ng mga mamahayag, kung tutuusin ay hindi na kailangan ng sahod ng mga Villar na nagmula sa gobyerno bilang congressman at senador na milyong piso ang natatanggap nila kada buwan.
Sa ngayon, maraming Pilipino tuloy ang naniniwala sa sinabi ni Las Pinas Councilor Mark Anthony Santos, ang mahigpit na katunggali ni Sen. Cynthia sa pagka-kongresista ngayong paparating na halalan, na ganid nga itong mga Villar.
Ani Santos, bilang orihinal na taga-Las Pinas, nakikita at dama niya na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakokontento o maligaya ang mga Villar sa kanilang bilyong pera at kapangyarihan.
Tatlong Villar ang kasalukuyang nakaupo—ang magkapatid na sina Sen. Mark Villar, si Camille bilang kinatawan ng Las Pinas at ang nanay nila na si outgoing senator na si Cynthia.
Iba’t ibang klase ng ayuda ang kasalukuyang pinamamahagi ng gobyerno tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon sa report, ang lahat ng senador at kongresista ay may tig-P5 million bawat isa para ipamudmod sa kanilang distrito at ipamigay sa kanilang mga kababayan na mahihirap o kapos sa buhay.
Samakatuwid, kung tatlo sa pamilya ang kasalukuyang makaupo tulad sa sitwatsiyon ng pamilya Villar, may tig-apat bawat isa sa kanila o kabubuang 12 ayuda mula sa pamahalaan na ipapamudmod sa mga botante ngayong eleksyon.
Kung tutuusin, hindi na kailangang gumastos ng sarili nilang pera itong pamilya Villar ngayong midterm elections dahil sobra-sobra na kanilang nakukuha at pakinabang mula sa ayuda mula sa gobyerno.
Natuklasan din ng mga concerned citizen ng Las Pinas na halos triple diumano ang nakukuhang ayuda ng mga Villar na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa kasalukuyang Undersecretary ng kagawaran na si Emily Aglipay-Villar, asawa ni Sen. Mark.
Ang DSWD ang ngangasiwa ng distribution ng mga ayuda ng gobyerno. Si Aglipay-Villar ay dating representative ng Diwa partylist at Underseretary rin Department of Justice.
Nitong Lunes, hiniling ni Santos sa Comelec na idiskuwalipika si Cynthia Villar dahil nilabag nito ang Section 261 ng Omnibus Election Code (OEC) at Comelec Resolution No.11116 kaugnay sa vote buying at vote selling.
Noong Abril 23, 2025, personal na nagtungo si Villar sa Villar Coliseum sa Sta. Cecilia Village sa Barangay Talon Dos Las Pinas City para mamahagi umano ng ayuda sa mga senior citizen kung saan ay nakita pa itong nakipagkamay sa mga tao.
Nadiskubre din ng mga residente na kaya pala laging ginaganap ang pamimigay ng ayuda sa Villar Colisuem para magkaroon daw ng ‘name recall’ ang apelyidong Villar sa mga tao.
Sa ganitong bulok na estilo ng pangangampanya ng mga trapong politiko, hindi na sinasang-ayunan ng mga botante sa Las Pinas kaya lamang sa lahat ng survey si Santos at Team Aguilar-Tatak Nene na pinangungunahan ni April Aguilar, kandidato sa pagka-Mayor.
Tumatak na sa isipan ng mga botante ang katagang: “Tanggapin ang pera at ayuda, iboto ang nararapat at tapat! (ZIA LUNA)