📷: NSC Asst. Director General Jonathan Malaya
HINIKAYAT ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party List Representative France Castro ang National Security Council na tukuyin ang mga kandidato sa 2025 midterm elections na umano’y tumatanggap ng suporta mula sa pamahalaan ng China.
Inihayag ito ni Castro matapos sabihin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa Senado na “there are indications that information operations are being conducted that are Chinese state-sponsored in the Philippines and are actually interfering in the forthcoming elections.”
“‘Yung sinasabi nilang mga kandidato na sinusuportahan or influenced by the other country, kung China man ‘yan, kung ito ay suportang material, suportang mga disinformation against doon sa mga kalaban ng mga kandidatong sinusuportahan ng China, kailangan talaga maging specific ang National Security Council. At ang Comelec din dapat ay maging aware din sila, at maimbestigahan din nila kung may katotohanan ito. Pero dahil malapit na ang eleksyon, isa kasi itong magiging violation sa Omnibus Election Code… Dapat seryosohin talaga ‘yung investigation dito,” sabi ni Castro.
“Magkaroon ng thorough investigation dito dahil hindi lang ito treasonous. Siyempre ito’y malaking violation din doon sa Election Code. Tingin ko rin may kinalaman din ito doon sa pagiging threat sa democracy, pagiging independent natin, baka mayroon din itong problema din sa soberanya. Kasi, syempre, kapag influenced ka… ng foreign country, ang loyalty mo ay hindi sa Pilipinas. Ang loyalty ay sa ibang bansa na tumulong sa’yo para manalo. Kaya kailangan talaga ng thorough investigation dito,” dagdag ni Castro.
Nanawagan din siya sa mga botante na maging mapagmatyag at huwag suportahan ang mga kandidato na inaayudahan ng mga dayuhan.
“Dapat alamin ito ng ating mga voters. At huwag i-boto ‘yung mga nagpapa-impluwensya, hindi lang siguro sa China, nagpapa-impluensya sa iba pang mga foreign entity,” aniya.
“Nakaka-worry ito. Kung sila ay supportado ng China… ang dadalhin nito ay ‘yung mga stand ng China instead of ‘yung stand ng Pilipino, ng Pilipinas,” dagdag niya.
Hindi na aniya made-deny na sa mga pagdinig ng Kongreso hinggil sa operasyon ng POGO ay nabisto na kabilang ang mga Duterte sa mga politikong impluwensyado ng China.
Nahirapan din aniya noong panahon ng administrasyong Duterte na manindigan ang Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea dahil sa pagiging malapit ng dating pangulo sa China. (ROSE NOVENARIO)