Similar ang bill na ito sa measures na nauna nang tinalakay ng Komiteng ito, kabilang ang HB 5082 ni Cong. Benny Abante.
Malinaw ang layunin ng ating HB 10525—ipagbawal ang lahat ng POGOs, anuman ang pangalan o panibagong tawag, anuman ang porma, at anuman ang pinagmayabang ngunit di napatunayang “economic benefits.” Mula pa man noong nakaraang administrasyon, posisyon na ng Makabayan at ng malawak na mamamayan na hindi dapat isugal ng gubyerno ang kaligtasan ng mga Pilipino at ekonomiya ng bansa sa mga pangako ng POGO. Kasama ng EJKs sa pekeng gera kontra droga at gera laban sa mga kritiko, ang POGO ay masangsang na legasiya ng administrasyong Duterte—legasiyang dapat nating tuluyang wakasan, paghalawan ng aral, at singilan ng pananagutan.
Para gawin ito, mahalaga at mapagpasiyang hakbang ang pag repeal sa Republic Act 11590 o POGO Act, related Executive Orders, at rules and regulations ng PAGCOR at iba pang mga ahensya. Ang mga ito ang nagbigay ng legal cover para sa isang illegal business, binigyan ng imprimatur mismo ng dating Pangulo—ang siya ring taong nagtanggol sa POGO nang paulit-ulit noong nagsimulang sumingaw ang mga krimen, abuso, at iba pang baho nito.
May ilan lang na pagkakaiba ang HB 10525 sa mga naunang panukala, na nais naming ikonsidera ng Komite: Una ay ang pagtanggal sa inter-agency body na ginawang implementing body ng magiging batas. Suhestiyon namin, gawing ahensyang tagapagpatupad ang lahat ng concerned agencies: DOJ, DILG, PAGCOR, AMLA, atbp.. Maaari tayong magtalaga ng isa o ilang lead agencies.
Ikalawa, may express provisions sa HB 10525 na hiwalay ang proceedings at pananagutan sa ilalim ng Ban POGO Law at ng AMLA at anti-trafficking laws. Sa ganitong paraan, malinaw na mananagot ang mga responsable sa pagtatayo at pagpapatakbo ng POGO, sa paglalaba ng pera o pagkukubli ng mula sa iligal at kriminal na gawain, sa trafficking, sa labor violations, at sa iba pang krimen at irregularidad. Kung opisyal ng gubyerno, may dagdag na “perpetual absolute disqualification from public office…including the loss of all rights to retirement benefits for any office currently and previously held.”
Ikatlo ay ang express repeal ng RA 11590 gaya ng napaliwanag kanina.
Ikaapat, may consequences sa agency heads na di makagawa ng IRR sa takdang panahon. Ito ay para maging malinaw na mandatory ng paggawa ng IRR at hindi magpapatumpik-tumpik ang mga responsableng ahensya sa pagpapatupad ng Anti-POGO Law. Naniniwala kami na considering recent developments at revelations sa mga Komite gaya ng Quadcomm, dapat ay kumilos ang pamahalaan ngayon na, gamit ang lahat ng kasalukuyang otoridad at kapangyarihan nila.
Rape, murder at EJKs, illegal recruitment, human trafficking, prostitution, illegal detention, inhumane labor terms and conditions, money laundering, immigration bribery schemes, scam hubs, kampo at arsenal ng private army…Simula lang ito ng mahabang listahan ng kriminalidad at pambibiktima ng mga Pilipino na kinanlong at kinubli ng POGOs. At ang POGOs ay kinanlong at kinubli ng nakaraang rehimen sa pamamagitan batas at mga regulasyon. Napapanahong lansagin na natin ang legal cover na ito, kasabay ng iba pang pagdinig ng Kamara tungo sa pananagutan ng nakaraang rehimen.
Maraming salamat po. ##