Matapos maglabas ng show cause order ang Commission on Election laban kay senatorial candidate Camille Villar dahil sa umano’y pagkakadawit sa vote-buying, nahaharap din sa parehong election offense ang kanyang nanay na si graduating Sen. Cynthia Villar.
Hiniling kahapon ni Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos sa Comelec na idiskuwalipika si Villar matapos itong mamimigay ng sangkaterbang ayuda sa mga tao na ginawa sa coliseum na pag-aari ng pamilya ni Villar na mahigpit na pinagbabawal sa batas.
Sa 3-pahinang petisyon, iginiit ni Santos na nilabag ni Villar ang Section 261 (a) ng Omnibus Election Code (OEC) at Comelec Resolution No.11116 kaugnay sa vote buying at vote selling.
Si Santos, pitong terminong konsehal ng Las Pinas City, ay mahigpit na katunggali ni Villar para sa lone congressional district ng lungsod sa paparating na midterm elections.
Noong Abril 23, 2025, personal na nagtungo si Villar sa Villar Coliseum, Sta. Cecilia Village, Barangay Talon Dos Las Pinas City, kung saan diumano namahagi ng ayuda sa mga senior citizen-resident ng kungsod.
Noong oras ding ‘yun, nakitang nakipagkamay sa mga tao at nagsasalita sa pamamahagi itong si Villar, na nakasuot ng kulay kahel na damit. Ang insidente ay pinatutunayan matapos makunan ng video ng isang concerned citizen na ipinasa kay Santos bilang ebidensya.
Kinabukasan, Abril 24, muling bumalik si Villar sa Villar Coliseum para ituloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga senior citizen-resident ng Las Pinas City at muli itong nakunan ng video.
Ayon sa Comelec walang kandidato o pulitiko ang dapat makisangkot sa pamamahagi ng ayuda, at dapat magtatag at magpatupad ng mahigpit na guidelines ang DSWD para sa mga proyekto.
Ipinagbabawal sa Comelec resolution ang pagbibigay at pagtanggap ng anumang tulong o “ayuda” kung saan binanggit ang mga pangalan ng mga kandidato o mga isinasagawa sa lugar kung saan makikita ang pangalan ng larawan ng kandidato.
Maliwanag na nilabag ni Villar ang lahat ng elemento ng vote buying at vote selling na nakasaad sa Omnibus Election Code, ayon sa mga abogado ni Santos.
Nauna rito, naglabas ng show cause order ang Committee on Kontra-Bigay ng Comelec laban kay Camille Villar dahil sa sumbong na nag-aabot ng pera bilang pang-raffle. Naganap ang aktibidad sa Buhay na Tubig, Imus, Cavite na lumabas sa social media noong February 26 kung kailan simula na ang panahon ng kampanya.
Ang Committee on Kontra Bigay ay inatasan na ipatupad ang lahat ng mga patakaran ng poll body laban sa pagbili at pagbebenta ng boto at pangasiwaan ang pagsasampa ng mga reklamo para sa mga paglabag sa halalan o disqualification ng mga kandidato na mapapatunayang gumawa ng mga paglabag sa halalan. #