APAT na dekadang karanasan bilang nurse sa komunidad ang maipagmamalaking track record ni Jocelyn “Nurse Alyn” Santos-Andamo na walang pag-iimbot na pagsisilbi sa bayan.
“Ang apat na dekadang paglilingkod po ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para magpatuloy at mag-alay ng ibang lebel ng paghahandog ng sarili at paglilingkod sa ating mga kababayan,” paglalahad ni Nurse Alyn bilang isa sa sampung kandidato sa pagka-senador ng Makabayan Coalition na inilunsad sa Liwasang Bonifacio noong Agosto 26.
Aminado si Nurse Alyn na nangarap din siya noong araw na magtrabaho sa abroad upang makatulong sa kanyang pamilya ngunit nakombinsi siya ng isang pasyenteng magsasaka na manatili sa Pilipinas at dito na lamang maglingkod.
Imbes puting uniporme ng nurse, ang pangkaraniwang suot ni Nurse Alyn ay T-shirt, pantalon at tsinelas.
Hindi kasi biro ang umakyat sa bundok, tumawid sa rumaragasang ilog , mahulog sa kalabaw, at pilapil para lamang makarating sa mga pasyenteng maralita sa liblib na sulok ng bansa.
“Marami pong magagandang karanasan na bibigyan ka ng itlog, manok, bilang pagpapasalamat ng ating mga kababayan na walang-wala,” sabi ni Nurse Alyn
Bakit kailangan ipaalala sa mga Pinoy ang kahalagahan na mailuklok sa Senado ang isang tulad ni Nurse Alyn na dalisay ang hangarin na maglingkod sa bayan?
Ayon sa isang survey noong 2019, anim sa sampung Pilipino ang namamatay nang hindi nagpapatingin sa doktor.
Ang mataas na halaga ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa ay humahadlang sa mga tao na ma-access ang mga serbisyong nagliligtas-buhay, at mas lalo pang naglulubog sa mga pamilya sa kahirapan.
Batid natin ang kabiguan ng pamahalaan sa pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan bilang karapatan ng mamamayan gayundin ang pagta-taingang kawali sa pagbibigay ng nakabubuhay na sahod at dagdag na benepisyo para sa mga manggagawang pangkalusugan.
Nangyayari ito sa gitna ng garapalang katiwalian lalo na noong panahon ng COVID-19 pandemic, na bilyun-bilyong pisong pondo para tugunan ang pandemya ay napunta sa bulsa ng mga magnanakaw na opisyal ng pamahalaan na nakipagsabwatan sa sindikatong kriminal, habang ang mga mamamayan ay ikinulong sa kanilang mga tahanan.
Hindi rin natutuldukan ang tila kultura ng korapsyon sa Department of Health kahit halos taun-taon ay nabibisto ng Commission on Audit (COA) na bilyun-bilyong piso ang nasasayang sa “expired or near-expiry , undistributed drugs, medicines, and medical supplies.”
Masarap sa pandinig ang taguring ‘buhay na mga bayani’ ang health workers pero ang turing sa kanila ng pamahalaan, masahol pa sa mga alipin na hinahayaang magdusa sa hirap.
Hanggang sa ngayon, ang ipinangakong benepisyo para sa kanila noong 2021 ay hindi pa rin naibibigay ng pamahalaan.
Makukuntento ba tayo sa sitwasyong ito? Syempre hindi dahil mayroon tayong magagawa kung tayo ay magkakaisa.
“Pero meron po tayong mas magagawa, meron po tayong magagawa kung magkakaisa tayo para hindi lumala ang sitwasyon. Meron tayong puwedeng gawin, sama-sama nating iparinig ang ating boses ng karaniwang mamamayan sa Senado at Mababang Kapulungan,” sabi ni Nurse Alyn.
Pagtutulungan ng Health Workers Partylist at ni Nurse Alyn ang pagsusulong na maipasa ang Free Comprehensive and Progressive National Public Health Care bill na nagsasaad ng libreng serbisyong pangkalusugan at pagdagdag sa budget sa kalusugan.
Kasama rin ang direktang pagpondo sa mga pampublikong ospital at pasilidad sa kalusugan, libreng gamot, diagnostics, mga batayang medical services sa mga pampublikong pasilidad at pagamutan ang mga igigiit ng kanilang tambalan sa Kongreso.
Itutulak din nila ang renationalization ng healthcare system, ipagbabawal ang pagsasapribaado ng public healthcare facility tulad ng public hospitals.
“Matagal na po nating ipinaglalaban yan pero isa ito po sa mga patakaran o polisiya ng gobyerno na hindi tinitigilan kaya hirap na hirap ang ating mga kababayan. Hindi na po accessible, lalo pang nagiging inaccessible at unaffordable ang serbisyong pangkalusugan,” ani Nurse Alyn.
“Kahit ang mga health centers at specialty centers na itinatayo pero wala naman sapat na pondo. Ito ay kinukuha rin galing sa ating mga bulsa, sa ating mga pasyente at wala namang dagdag na personnel. Kita naman natin, hilahod sa hirap ang mga nurses, ang ating mga doktor , ang ating mga kapwa health workers na hirap na hirap sa dami ng pasyente at workload. Iyan ay sisikapin natin ma-improve sa pamamagitan ng biills o batas na ipapasa,” dagdag niya.
Ipaglalaban din nila ang sapat na bilang ng health workers, nakabubuhay na sahod , regular na trabaho at sapat na benepisyo, karapatan sa pag-uunyon at proteksyon sa health workers.
Target nila ang pag-amyenda sa Magna Carta of Public Health Workers, maisabatas ang Magna Carta of Private Health Workers para sa pribadong sektor at para naman sa barangay health workers at daycare workers ay Magna Carta of Barangay Health Workers.
Hinog na hinog na ang panahon upang magkaroon ng boses ang tunay na representante ng health workers , mga boses ng mga pasyente at mga komunidad.
Andamo sa Senado, Health Workers Partylist sa Kongreso!