Thu. Nov 21st, 2024

DAPAT magbigay ng abiso o babala ang House Quad Committee sa publiko na gabayan ng mga nakatatanda o mga magulang ang mga batang nanonood nito, bago magsimula ang pagdinig.

Mas magiging makabuluhan ang opening statement ng mga kongresista na sa halip na pagbubuhat sa sariling bangko ang idiga, magbigay sila ng warning sa mga manonood na may mga sensitibong usapin na tatalakayin at hindi dapat tularan ang masasamang gawain o asal na kanilang matutunghayan.

Hindi kasi angkop sa pandinig o kamalayan ng mga bata ang masasamang salita, at asal ng ilang resource persons at mismong ilang mambabatas sa Quad Comm hearing.

Gaya na lamang sa nakaraang pagdalo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maliban sa pagmumura at pambabastos sa ilang kongresista na nagtatanong sa kanya at resource persons na kumokontra sa kanyang mga pahayag, walang habas ang kanyang pagmamalaki o pagyayabang  na wasto ang pagpatay sa isang indibidwal na pinaghihinalaang kriminal, sa halip na isailalim sa tamang proseso na arestuhin, ikulong, kasuhan at litisin ng hukuman upang mapatunayan kung talagang guilty sa krimen.

Ibinandera pa niya na wala siyang pakialam kung kontra ang mga tao sa kanyang maling patakaran.

Ang masama pa rito’y ang mga panatiko sa kanya ay pinupuri at pinapalakpakan pa ang kanyang mga pahayag na nilabag at patuloy niyang nilalabag ang mga batas.

Para kay Duterte at sa kanyang pangkat, normal lang ang pumatay ng tao kapag pinaghinalaang kriminal, normal din ang hindi pagsunod sa batas at ipinangangalandakan niya na tila “he is always above the law.”

Siya na ang may kasalanan, hinahamon pa niya ang mga institusyon na panagutin siya.

Kapag hindi napanagot si Duterte sa kanyang mga kasalanan sa bayan at hindi naiwasto ng mga nasa pamahalaan ang maling kaisipan na patuloy niyang ipinapakalat, magpo-produce ang Pilipinas ng henerasyon ng mga kriminal at lumalabag sa batas.

Ang kailangan ng kabataan ay maigiya sa wastong moralidad, dapat ay sumusunod sa batas, tumanggap ng pagkakamali at nakahandang panagutan ito para maituwid.

Kasabay nito’y maging mapanuri at kritikal sa mga dispalinghadong opisyal ng gobyerno at panagutin sila sa hindi pagganap ng tama sa kanilang tungkulin, pagwawaldas sa kaban ng bayan, pakikipagsabwatan sa panggagahasa sa kalikasan,  pag-aabuso sa kapangyarihan, panggigipit at paglabag sa karapatan pantao.

Huwag nating hayaan na ikondisyon ang kaisipan ng publiko, partikular ng kabataan, ng mga gaya ni Duterte na ang mahalaga lamang ay ang mailihis ang atensyon sa naging mga atraso sa bayan upang manatili sa kapangyarihan, at pagtakpan ang mga ginawang krimen, at sikilin ang karapatan ng mga mamamayan para habambuhay na makapagpasasa ang kanyang lahi at mga kasabwat.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *