TUSO man daw ang matsing, napaglalalangan din.
Ito ang masaklap na kinasadlakan ni ret.police Col. Royina Garma matapos siyang tumalilis patungong Amerika noong Nobyembre 7.
Nang palayain si Garma mula sa House of Representatives Detention Center ay nangako siyang dadalo pa rin sa mga pagdinig ng quad committee para ikanta ang iba pa niyang nalalaman kaugnay sa madugong drug war na kasama siyang nagpatupad.
Bukod dito, may dapat pa siyang panagutan sa kaso ng pagpatay kay dating PSCO Board Secretary at ret. Gen. Wesley Barayuga dahil siya ang itinurong isa sa mga mastermind.
Wala naman sigurong amnesia ang mga opisyal ng Bureau of Immigration para hindi matandaan na sa unang pagharap pa lamang ni Garma sa quadcomm hearing ay napaamin siyang kanselado na ang kanyang US visa.
May gumawa kaya ng memorandum sa Immigration para ipabatid sa lahat ng airport at port ang estado ni Garma bilang “flight risk” gayundin ang kanyang kanseladong US visa?
Imposibleng hindi tumatak ang hitsura at pangalan ni Garma sa kukote ng immigration officials at buong ningning na pinalusot si Garma at kanyang anak papuntang US.
Ngunit may nakapagsabi na maaari rin na pinaasa si Garma ng mga opisyal ng administrasyong Marcos Jr. na “areglado” na ang kanyang US visa kaya’t puwede na siyang magbiyahe.
Puwede rin na may lihim na kasunduan ang US at Pinas para patuntungin sa lupain ni Uncle Sam si Garma dahil may mga asunto rin siyang haharapin doon gaya ng money laundering lalo na’t sa Amerika niya itinago ang kanyang mga kuwestiyonableng yaman.
Sabit din siya sa human rights violations na bahagi ng Magnitsky Act kaya nga kinansela ang kanyang US visa noong Agosto.
Ang Magnitsky Act, na pinagtibay noong 2016, ay nagpapahintulot sa gobyerno ng U.S. na magpataw ng mga parusa, kabilang ang mga pagbabawal sa pagpasok at pag-freeze ng asset, laban sa mga dayuhang opisyal na sangkot sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao.
Ngayong hawak na ng US si Garma, may mga nagsasabing maaaring ibabalik lamang siya sa kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas kung handa ang administrasyong Marcos Jr. na ibigay sa Amerika si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy para managot sa mga kasong human rights violations, child sex trafficking, fraud at iba pa.
Prisoner swap?