Tue. Jan 21st, 2025

Mahigit apat na taong nakapiit si community journalist Frenchie Mae Cumpio, at noong Lunes lamang siya iniharap sa korte sa kauna-unahang pagkakataon para ihayag ang kanyang panig sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives at financing terrorism.

Ang testimonya ni Frenchie ay nagpapatunay na gawa-gawa lamang ang mga kaso laban sa kanya at kay Marielle Domequil.

Napagtibay niya na siya ay isang community journalist sa Tacloban at miyembro ng International Association of Women in Radio and Television (IAWRT) at Altermidya. Nagawa niyang patunayan na siya ay isinailalim sa surveillance bago humantong sa kanyang pag-aresto.

Pinabulaanan ni Frenchie ang mga pahayag ng militar at pulisya tungkol sa insidente noong Peb 7, 2020. Siya ay nagpatotoo na ang raiding team ay puwersahang pumasok sa kanilang silid bandang alas-2 ng madaling araw, sinabihan silang dumapa bago sila tuluyang akayin sa labas ng kanilang silid. Siya at si Marielle ay hindi pinakitaan ng anumang search o arrest warrant.

“We would have allowed them in our room because we’re not hiding anything illegal.,” sabi ni Frenchie.

Nagpakita rin ang mga abogado ni Frenchie ng mga larawan ng kabilang bahay na ni-raid sa parehong araw. Madalas na pumunta si Frenchie sa bahay na iyon para makapanayam ang mga progresibong organisasyon na Katungod SB, Sagupa SB at Bayan SB. Sa labas ng gate ay may nabasang signage na may nakasulat na “Planting of evidence is prohibited here.”

Ang pagsasalaysay ni Frenchie ay nagpapaalala sa atin ng mga katulad na kuwestiyonableng pagsalakay noong panahon ng rehimeng Duterte. Ang modus na ito ng “tanim ebidensya” (planting of evidence) ay nalantad, na humahantong sa maraming mga gawa-gawang kaso na na-dismiss.

Kailan naman naging bawal sa batas ang maging mamamahayag na naglalahad sa publiko ng mga karaingan ng iba’t ibang sektor at isiwalat ang pag-aabuso ng mga mga nakapuwesto sa gobyerno?

Malinaw na si Frenchie Mae Cumpio ay ginigipit ng estado sa pamamagitan ng paratang na konektado siya sa komunistang grupo, isa sa mga gasgas na pakana upang pagtakpan ang  katiwalian sa pamahalaan na tunay na ugat ng kalbaryo ng bansa.

Ilang manunulat at akbista pa ba ang hahambalusin ng karahasan ng estado para ikubli ang pagbibigay ng pabor sa mga dambuhalang korporasyon at mga dayuhan para lapastanganin ang likas na yaman ng bansa?

Ginagamit ng estado ang mga batas, lalo na ang Anti-Terrorism Act, bilang mga armas para palabasin na mga ‘terorista’ ang mga kumokontra sa kanilang kabuhungan at anti-mamamayan na patakaran.

Habang pinapahintulutan ng estado ang mining, logging at quarrying activities, huwag na tayong magtaka na napakalala ng epekto sa Pilipinas ng climate change at ang direktang apektado ay ang mga maralita at ekonomiya ng bansa.

Samantala, may bise-presidente ang Pilipinas na ang bukambibig ay pagkamuhi sa mga “komunistang terorista” pero lumabas sa imbestigasyon ng Mababang Kapulungan at ng Commission on Audit na ang iwinawagaygay niyang ‘red card’ ay ginamit pala niya sa kuwestiyonableng paggasta sa confidential funds ng Office of the Vice President.

Humingi ng certification ang OVP mula sa Armed Forces of the Philippines para sa idinaos na Youth Leaders Summit upang bigyan katuwiran ang paggasta ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte sa P15-M confidential funds kahit wala naman sila ni isang kusing na inilabas na pondo para sa nasabing aktibidad.

Kesyo may mga safehouse pa raw na ginastusan at biniling mga impormasyon na tumodas sa milyun-milyong pisong pondo ng bayan ngunit kaduda-duda ang mga resibong isinumite bilang ebidensya.

Sino ngayon ang tunay na terorista?

Si Frenchie Mae Cumpio na pinaratangang terorista dahil inihayag sa publiko ang mga problema ng bayan o si Vice President Sara Duterte na “nilaspag” ang pera ng bayan gamit ang adbokasiya raw niya laban sa mga terorista?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *