Wed. Nov 6th, 2024

Sa ilang dekada bilang mamamahayag, madalang akong pumuri ng opisyal ng gobyerno, kalimitang tingin ko sa kanila ay suwelduhan ng mamamayan  na dapat “bantayan” kung papalpak para maisulat.

Mula ng maging puspusan ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), isa ako sa tumutok sa usapin.

Sindikatong kriminal na sumisira sa lipunan ang tinitibag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), batay sa kanilang mga ipinakitang accomplishment, lalo na ang mga sinalakay na  illegal POGO hubs sa Porac, Pampanga, sa Bamban.Tarlac at iba pang mga lugar.

Dahil sa PAOCC, natuklasan ng mga karaniwang tao kung paano sinalaula ng mga dayuhang kriminal, sa pakikipagsabwatan ng ilang opisyal ng pamahalaan, ang ating bansa at pinaglaruan ang mga batas.

Nabisto na tila naging pangkaraniwan na sa ilang ahensya ng pamahalaan na magbenta ng mga dokumento sa dayuhan para illegal na manatili sa Pilipinas at mamayagpag ang kanilang criminal activities.

Pruweba rito ay si dating Bamban Mayor Alice Guo, kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang,ilan sa sinasabing malalaking POGO operators na sinagasaan ng PAOCC.

Hindi rin madali maunawaan ng publiko ang illegal activities ng mga sindikato  na ibinunga ng POGO, gaya ng human trafficking, money laundering , murder at iba pa ,kung hindi dahil sa matiyagang pagpapaliwanag sa media ni  Winston Casio, ang tagapagsalita ng PAOCC.

Batay sa kanyang kuwento sa panayam sa programang Facts First, una siyang pumasok sa PAOCC bilang analyst /researcher at kalauna’y napasama na rin sa operations, na nakita naman natin na epektibo niyang nagampanan ang kanyang tungkulin.

Sinibak si Casio ngayon bilang spokesperson ng PAOCC dahil naging viral ang video na nakitang sinampal niya ang isang empleyado sa sinalakay na illegal POGO sa Bagac, Bataan dahil minura at nag-dirty finger sa ilang miyembro ng media at raiding team.

Inamin ni Casio ang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa publiko sa kanyang hindi tamang inasal

“I should have simply filed the necessary charges against the person who flashed the dirty finger at us and insulted our office with vitriol. Then again, my temper got the better of me. Mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa.

No matter where this episode will lead me, I will continue to serve the Filipino people in whatever capacity.

Due to my action , I have let down the people who trust the Commission. Thus, I apologize to the Filipino people who have put their trust in our agency. Likewise, I apologize to my principals, Executive Secretary Lucas P. Bersamin, the Chairman of PAOCC; and to Undersecretary Gilbert Cruz, PAOCC Executive Director,” sabi niya.

Sumasailalim siya sa kasalukuyan sa administrative investigation, ayon kay Bersamin.

Nagkamali, umamin at humingi ng paumanhin.

Tatlong aksyon ng isang taong may maayos na karakter.

Napakalayo ng kanyang ugali sa ilang opisyal ng pamahalaan na nagnakaw na sa kaban ng bayan, nabuko na ay pinaninindigan pa ang pagsisinungaling at kung ituring ang pangkaraniwang mamamayan na nauto nilang iluklok sila sa puwesto ay kanilang mga alipin na dapat magbanat ng buto para meron silang makurakot.

Siya nga pala, bakit napakabilis kumilos ng Palasyo para imbestigahan si Casio samantalang si Felix Salaveria Jr, dinukot noong Agosto 28, 2024 sa Barangay Cobo, Tabaco City, Albay na may CCTV footage pa ng insidente ay hindi kumibo ang Palasyo?

Bakit walang imik sina Bersamin at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lumolobong bilang ng kaso ng pagpatay, pagdukot at pandarahas sa hanay ng mga aktibista?

Bakit tikom ang kanilang bibig sa panggagahasa sa kalikasan ng malalaking dayuhang kompanya, sa pakikipagsabwatan sa ilang Pinoy businessmen at politicians, na siyang tunay na dahilan ng malawang pagbaha na ikinasawi ng maraming Pinoy?

Matuto sana kayo ng accountability kay Atty. Winston Casio.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *