KUNG sa mga pulis at ilang opisyal ng pamahalaan ay maaanghang na salita ang pinakakawalan ni Sen. Raffy Tulfo kapag isinumbong sa kanya, ngunit sa pagpasok ng kotse ng kanyang anak na kongresista sa EDSA Busway ay walang nakitang pag-abuso ang senador.
Inamin ni Sen. Tulfo na ang sasakyan na lulan ang kanyang anak na si Quezon City Second District Rep. Ralph Wendel Tulfo, ay nahuling pumasok sa EDSA Busway.
“Pag hindi tumakas wala akong nakikitang problema. Pag hindi siya nang-abuso, hindi nagmura, wala akong nakikitang problema,” anang senador sa mga mamamahayag. told reporters.
“Inadmit naman niya, hindi naman siya nagsinungaling at nag-apologize siya so wala akong nakikitang problema doon as long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang otso, which karapatan niyang gumamit pero hindi siya gumamit. It just shows na hindi siya abusado,” dagdag niya.
Idineklara ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ang pinapayagan lamang na dumaan sa EDSA Busway ay mga awtorisadong bus, emergency vehicles, ang President, Vice President, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Supreme Court Chief Justice.
“Pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko, pinagalitan ko…pinagalitan ko at nag-sorry siya sa akin ang sabi ko mag-apologize ka sa lahat and that’s it,” sabi ng senador kaugnay sa anak na kongresista.
“Ang pagkakaalam ko ata nagmamadali siya, yung driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop,” aniya.
Inihayag ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) kahapon na nahuli nila ang hindi kinilalang driver ng isang mambabatas dahil sa paggamit sa EDSA Carousel noong Enero 23, 2025.
Ang nasabi rin driver ay dati nang nahuli na ginamit ang busway noong Sept. 26, 2024, ayon sa SAICT. (ROSE NOVENARIO)