Mon. Jan 26th, 2026

Naghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kamara ang 36 complainants mula sa mga progresibong organisasyon mula Koalisyong Makabayan na inakusahan siya ng  “betrayal of public trust” dahil umano sa pagkakasangkot sa multibilyong pisong korapsyon sa mga flood control project mula 2022 hanggang 2025.

Ayon sa reklamo, na inendorso ng mga miyembro ng Makabayan bloc, si Marcos Jr. ay hindi lamang namuno sa isang tiwaling pamahalaan kundi siya mismo ang nagdisenyo ng mekanismo upang mailihis ang mahigit ₱545.6 bilyon patungo sa mga paboritong kontraktor at kaalyado.

Ang pondong ito, giit ng mga nagreklamo, ay ginawang “pribadong war chest” para sa halalan noong 2025.

Mga Pangunahing Akusasyon 

– Institusyonalisadong Patronage: Ang tinaguriang “BBM Parametric Formula” ay inilarawan bilang muling pagbuhay sa pork barrel system, kung saan inuuna ang interes ng mga lider kaysa sa pangangailangan ng komunidad.

– Pag-abuso sa Unprogrammed Appropriations: Umabot sa rekord na ₱807 bilyon noong 2023 at ₱734 bilyon noong 2024 ang UA. Kabilang dito ang ₱60 bilyon mula sa PhilHealth na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.

– Direktang Paglahok sa Kickbacks: Batay sa testimonya ng dating mga opisyal, bilyon-bilyong pisong cash ang naideliber sa mga tauhan ng Palasyo, umano’y para sa Pangulo.

Ebidensiya 

Sinabi ni dating House Appropriations Chair Zaldy Co na iniutos ni Marcos Jr. ang pagpasok ng ₱100 bilyon sa mga proyektong kuwestiyonable sa 2025 budget.

Samantala, si dating DPWH Undersecretary Bernardo ang nagpatotoo sa paghatid ng ₱8 bilyon gamit ang armored vans sa mga opisyal ng Palasyo, na umano’y tumugma sa kampanya para sa midterm elections.

Lumabas din sa “Cabral Files” ng DPWH ang mga dokumentong nagtatala ng mga proyektong nakatalaga para sa Office of the President.

Epekto sa Mamamayan 

Natuklasan ng DPWH ang 421 ghost projects mula sa 8,000 na sinuri, habang 23 porsiyento lamang ng flood control projects ang epektibong nakapagsanggalang sa mga komunidad, ayon sa DENR. Sa Talisay City, Cebu, na binaha nang malubha noong Nobyembre 2025, mahigit ₱2 bilyon ang inilaan sa mga proyektong napunta sa mga kumpanyang konektado sa mga donor ng kampanya. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *