Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pag-aresto sa DZRH reporter na si Misael Boy Gonzales Jr., na tinawag nitong isang anyo ng paghihiganti at pang-aabuso sa batas.
Inaresto ng pulisya si Gonzales noong Miyerkules dahil umano sa paglabag sa Data Privacy Act matapos niyang iulat ang detalye ng warrant of arrest laban kay Manila Councilor Rosalino Ibay Jr., na nahaharap sa reklamong lascivious conduct sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Binigyang-diin ng NUJP na tungkulin ni Gonzales na mag-ulat sa isang usaping may malinaw na interes publiko, lalo’t kinasasangkutan ito ng umano’y pang-aabuso sa menor de edad ng isang halal na opisyal.
Ayon sa NUJP, hindi ito ang unang pagkakataon na ginagamit ang Data Privacy Act, na may eksepsyon para sa gawaing peryodistiko, upang takutin at gipitin ang mga mamamahayag.
“Mahalaga ang seguridad ng personal na impormasyon, ngunit madalas ding ginagamit ang DPA upang ipagkait ang access sa mahahalagang datos at bilang ‘lawfare’ laban sa media,” pahayag ng grupo.
Nanawagan ang NUJP na agarang ibasura ang kaso laban kay Gonzales.
Pansamantalang nakalaya si Gonzales mula sa kustodiya ng Manila Police District matapos magpiyansa noong Huwebes ng umaga, Marso 12. (ROSE NOVENARIO)