Mon. Nov 25th, 2024

📷Bayan Muna nominees (L-R) Carlos Zarate, Neri Colmenares and Ferdinand Gaite |Kodao Productions

KAPAG korap ka, lagot ka!

Tiniyak ito ng mga nominado ng Bayan Muna Partylist na kinabibilangan nina dating Bayan Muna Reps. Neri Colmenares, Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite sa kanilang paghain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) ngayon.

“Sa loob ng 25 taon napakaningning ng rekord ng Bayan Muna sa paglilingkod sa loob at labas ng Kongreso. Kadalasan itong nangunguna sa pagpapasa ng mga panukala na direktang pakikinabangan ng mamamayan at nagtatanggol sa kanilang karapatan, tulad ng Free Mobile Disaster Alerts, Public Attorneys Office Law, Genuine Agrarian Reform Bill pati mga resolution na magtatanggol sa Pilipinas laban sa US, Tsina at iba pang mga dayuhang yunuyurak sa ating soberanya,” sabi ni Zarate

“Nagsampa din ng mga kaso ang Bayan Muna laban sa mga di makatarungang pagtaas sa singil sa kuryente, tubig at telepono ang Bayan Muna. Naipanalo din nito ang kaso laban sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ng Tsina at Vietnam sa West Philippine Sea bago pa man maging uso na ngayon ang pagkondena sa Tsina,” dagdag niya.

Nanindigan ang Bayan Muna sa komitment na paglaban sa korapsyon at pagtapyas sa halaga ng mga batayang bilihin at serbisyo kapag muling naluklok sa Kongreso.

“Ang Bayan Muna Partylist ay nahaharap ngayon sa pinaka importanteng laban niya sa kasaysayan nito,” Gaite declared. “Dadalhin namin ang mga isyu ng mga mamamayan – una, labanan ang mataas na presyo ng bilihin at singilin; tanggalin ang VAT sa tubig, kuryente at langis, ibaba ang presyo ng lahat ng basic commodities ng mamamayan,” ayon kay Gaite.

Itinampok niya ang pangangailangan para sa nakabubuhay na sahod na P1,200/ araw na minimum wage sa buong bansa.

“Nakakabuhay na sahod – P1200 sa lahat ng manggagawa sa buong Pilipinas!” aniya kasabay ng paggiit sa dedikasyon na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga obrerong Pilipino.

Habang si Colmenares ay desididong aksyonan ang talamak na katiwalian sa pamahalaan.

“Ang pangatlong isyung dadalhin ng Bayan Muna Partylist ngayong eleksyon ay ang pagsawata at paglaban sa korapsyong laganap sa ating lipunan. Galit na galit na ang masa sa pagwawaldas sa pondo ng bayan sa kanilang mga baluktot na proyektong korap… Ipaglalaban ng Bayan Muna na makulong ang lahat ng kurakot sa gobyerno. Kapag korap ka, lagot ka sa Bayan Muna,” giit ni Colmenares.

“Doble lakas, doble sipag, doble tapang – iyan ang kampanyang gagawin natin para sa ating senatoriables at sa lahat ng progresibong partylist… Mabuhay ang Makabayan, mabuhay ang Bayan Muna, mabuhay ang sambayanang Pilipino!”

Nakahanda ang Bayan Muna Partylist na iharap ang mga isyung ito sa unahan ng pambansang diskurso, na may malinaw na pananaw para sa isang mas pantay at makatarungang lipunan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *