Sun. Nov 24th, 2024

PANANDALIAN lamang ang magiging buhay ng Alyansa ng Bagong Pilipinas at patungo rin sa pagkawasak gaya nang sinapit ng Marcos-Duterte Uniteam, ayon sa Communist Party of the Philippines.

Ang ABP ang senatorial ticket na isasabak ng administrasyong Marcos Jr. sa 2022 midterm elections.

Ayon kay Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, kinakatawan ng mga napiling kandidato ni Marcos Jr. ang mga dinastiyang pampulitika at ang pinakamasasahol na aspeto ng reaksyunaryong estado.

Maaari aniyang maaga ring mabiyak ang ABP dahil gaya ng Uniteam, ang kanilang alyansa ay “walang prinsipyo at pansamantala.”

“Ang mga pulitikong ito ay kumakatawan sa makitid na interes ng kanilang mga pamilya at padrinong malalaking negosyo. Ang kanilang alyansa ay walang prinsipyo at pansamantala,” ani Valbuena.

“Isa itong alyansa ng malalaking burukratang kapitalista at mga oportunista sa pulitika, na kumakatawan sa luma at bulok na naghaharing sistema,” dagdag niya.

“Sa ngayon ay yumuyuko sila kay Marcos dahil pinagkakaisa lamang sila ng magkakaparehong makasariling interes para paghati-hatian ang pakinabang mula sa korapsyon at pribelehiyo,” sabi ni Valbuena sa isang kalatas.

Binigyan diin ng Partido na ang alyansa ni Marcos Jr. ay “nahihiwalay sa malapad na masang manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang mga uri at sektor ng lipunan.

Kinamumuhian aniya ang mga ito ng taumbayan dahil itinataguyod ang “pambabarat sa sahod, pagpapataas ng presyo ng bilihin at pangangamkam ng lupa at kabuhayan ng mga Pilipino.”

Inilarawan pa ni Valbuena ang mga kandidato ni Marcos Jr. bilang “kumakatawan  sa interes ng mga dayuhang malalaking kapitalista, lokal na malalaking komprador at malalaking panginoong maylupa, na sumusuhay sa pagsisikap nilang magkamal ng yaman at tubo sa kapinsalaan ng taumbayan, ng kasarinlan sa ekonomya, at kapaligiran.”

“Sa paghanay nila kay Marcos, humahanay rin sila sa patakaran ng rehimen na pagiging sunud-sunuran sa imperyalismong US at sa estratehikong plano nito na gamitin ang Pilipinas bilang isang baseng militar, sa pakay na palawakin ang kanyang hegemonya at imperyalistang presensya sa rehiyon ng Asia-Pacific,” wika ni Valbuena. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *