SINUPALPAL ng actor, director, choreographer at producer na si Audie Gemora ang “hanash” ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa hidwaang Marcos-Duterte at dinadamay pa ang mga “dilawan,” partikular si dating Vice President Leni Robredo.
“Unang una, ang ibig sabihin ng “maisug” ay “matapang.” Hinde ka maisug dahil nag tatago ka,” paskil ni Gemora sa X.
“Pangalawa, walang nakikinig sa satsat mo dahil na d-distract kami sa blush on mo,” dagdag niya.
Sa isang video message ay sinabi ni Roque na siya’y nagtataka bakit hindi sumusuporta ang mga “dilawan” sa mga rally ng Hakbang Maisug gayong parehong galt kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanilang mga grupo.
“Sa totoo lang, yan ang hindi ko maintindihan, bakit kami rito sa Hakbang Maisug eh kami ay umaamin na kami ay nabudol ni BBM pero hindi sumusuporta sa rallies ng Hakbang ng Maisug,” ani Roque.
“Bakit nagtutumining ngayon ang mga dilawan? Kasi marami sa kanila ay nagsasabi na between Marcos and Duterte, mas gugustuhin na namin si Marvos. Hay naku, sa isyung yan, ang tingin ko ay dapat manindigan dyan si VP Leni,” giit niya.
Matatandaan naging kontrobersyal ang pagbisita ni Vice President Sara Duterte sa bahay ni dating Vice President Leni Robredo sa Naga City kamakailan. (ROSE NOVENARIO)