📷Ex-Bayan Muna Rep. Neri Colmenares
DAPAT magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa nangyaring malawakang patayan at ang umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Panawagan ito ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares kasunod ng mga natuklasang makabuluhang ebidensya sa kaugnayan sa extrajudicial killings (EJKs), ng isang financing scheme mula sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at kalakalan ng droga, partikular sa paggamit ng mga perang mula rito upang pondohan ang isang napakalaking reward system para sa bawat pagpatay.
Ayon kay Colmenares, may katiwalian pa rin sa paglaan ng pondo ng pamahalaan para sa mga kahina-hinalang party-list groups.
Isiniwalat sa pagdinig ng quad comm kahapon ang pagbigay ni ret. Col. at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairperson Royina Garma ng dalawang milyong piso mula sa pondo ng PCSO sa STL partylist group na kanyang itinatag.
“The hearings have unearthed vital evidence that warrants a comprehensive investigation. We need to delve deeper into how individuals like former Police Colonels Royina Garma and Roland Vilela acquired unconscionably large sums of money,” sabi ni Colmenares.
“This raises concerns about whether such practices are prevalent among government officials, while many government workers continue to endure low salaries,” dagdag niya.
Binigyan diin ni Colmenares na kailangan maimbestigahan din ang pagkakasangkot ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner at dating Davao Region CIDG Chief Edilberto Leonardo; at pagpapatupad ng “Davao Template” ng Davao Death Squads modus operandi, sa buong Pilipinas mula maluklok sa Malakanyang si Rodrigo Duterte noong 2016.
Nabatid sa quad comm hearing na nagkaroon ng pulong ang ilang miyembro ng Class ’96 at ’97 ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Davao City matapos manalo sa 2016 presidential elections si Duterte noong 2016.
“It is crucial to scrutinize the roles of Garma, Leonardo, and Vilela, especially after their admission of being present when President Duterte visited. This pattern of systematic violence must be examined thoroughly,” dagdag niya.
Si dating police Chief Inspector Roland Vilela ay dating mister ni Garma.
Iginiit ni Colmenares ang kahalagahan na panagutin si Duterte alinsunod sa Republic Act 9851 na nagbigayng kahulugan sa Crimes against Humanity bilang “widespread or systematic attacks against civilians, with knowledge of the attack.”
“Only President Duterte has the authority to orchestrate the first element of a widespread or systematic attack,” paliwanag ni Colmenares.
Hinimok niya ang publiko at mga awtoridad na manatiling mapagbantay sa malalang isyu ng EJKs at korapsyon upang makamit na ng mga biktima ang hustisya at mapanagot ang mga kriminal. (ROSE NOVENARIO)