Mon. Nov 25th, 2024

 Nangalampag sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City ang mga kinatawan at kasapi ng mga partylist ng Makabayan bloc para manawagan ng pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte dahil sa nalantad na paglustay nito sa pondo ng Office of the Vice President at DepEd. 📷 Pinoy Weekly | Facebook

 

MAAARING umabot hanggang 2025 midterm elections ang proseso nang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)chairperson at Makabayan Coalition senatorial bet Teddy Casiño.

Sinabi ni Casiño sa panayam sa programang Ted Failon at DJ Cha-cha sa Radyo Singko  kaninang umaga, magiging election issue ang impeachment complaint laban kay Dutertesa tantya ng kanilang grupo.

Timetable wise aniya ay maisasampa sa Mababang Kapulungan ang impeachment complaint sa Nobyembre at makalulusot ito sa Kamara sa Disyembre dahil 106 na mambabatas lamang ang kailangan lumagda para makarating ito sa Senado.

Maaaring maging abala aniya ang mga mambabatas sa pangangampanya at iba pang paghahanda para sa proseso ng impeachment kaya posibleng bago ang halalan sa Mayo malalaman ang verdict kay Duterte.

Kinompirma ni Casiño na manggagaling sa education sector at bahagi ng Bayan ang grupong maghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte sa Mababang Kapulungan at nakahanda naman ang tatlong progresibong mambabatas mula sa Makabayan bloc na iendorso ito.

Tiniyak ni Casiño na maayos at matibay ang impeachment complaint na inihahanda nila.

Matatandaan na ang Makabayan bloc ang unang nakasilip at naglantad sa kuwestiyonableng paggasta ni Duterte ng P125 milyong confidential fund sa loob lang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Umarangkada na ang Black Friday protest campaign ng Bayan para ipanawagan ang impeachment laban kay Duterte at isinagawa ang rally kanina sa Katipunan Ave., Quezon City. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *