PINAKAAABANGAN ang pagbabalik ng Bayan Muna Partylist sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gitna ng mga pag-atake, pandaraya sa eleksyon at paglaganap ng mga “pekeng partylist” ng dynasties.
Ang partylist na orihinal na totoong nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga mamamayan sa Kongreso ay inanunsyo ang muling pagsabak ng mga beteranong mambabatas bilang mga nominado gaya nina dating Cong. Neri Colmenares, Carlos Ysagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, gayundin ang batikang human rights lawyer at dating student leader Kristina Conti sa 2025 midterm elections sa ginanap na national convention ngayon sa Quezon City.
Naging topnotcher noong 2001 national elections at co-topnotcher sa 2019 partylist elections ang Bayan Muna at nakapagluklok ng pinakamaraming kinatawan sa Kongreso na umabot sa sampu.
Kabilang sina Colmenares, Zarate, Teddy Casino, at Satur Ocampo na nakompleto ang tatlong termino habang sina Cullamat, Liza Maza, Siegfred Deduro, Joel Virador at Crispin Beltran ay nagsilbi ng isang termino.
Lumipat si Maza sa Gabriela Women’s Party at si Beltran ay naging kinatawan ng Anakpawis partylists noong 2004.
Nasawi sa isang aksidente si Beltran noong 2008 at si Virador naman ay sa cancer noong 2019.
Sa kasagsagan ng red-tagging at operasyong militar sa mga balwarte, natalo sa kauna-unahang pagkakataon sa nilahukang walong eleksyon ang Bayan Muna.
Gayunpaman, ang Bayan Muna ay naghahanda para sa pagbabalik bitbit ang napakagandang rekord nito na nakapagpag-akda ng maraming maka-mamamayan na batas, tunay na pagtutol sa mga administrasyong kontra-mamamayan, at tapat na pampublikong rekord.
Nanawagan si Colmenares sa mga botante na isaalang-alang ang protest vote sa pamamagitan ng pagpili sa Bayan Muna, na nangakong ipagpapatuloy ang paglaban sa mataas na presyo ng utility at langis gayundin ang pagsusulong ng PHP12,000 na minimum na buwanang sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa at PHP33,000 buwanang suweldo para sa mga empleyado ng pampublikong sektor.
Hinimok ni Colmenares ang mga miyembro ng partido na puspusang mangampanya na parang wala nang bukas dahil kapag hindi nanalo sa susunod na taon, magtatapos na ang Bayan Muna sa 2025.
“We must campaign as we’ve never campaigned before. There is no tomorrow for us. If we fail to win next year, Bayan Muna ends in 2025,” sabi ni Colmenares.
Pinarangalan sa Bayan Muna convention ang 198 martir at bayani, karamihan ay pinaslang ng militar.
Binigyan diin ni Colmenares na kailangan ang masidhing determinasyon sa pagbibigay parangal sa halos 200 bayani at martir ng partido sa pamamagitan ng pagtuon ng atensyon ng mga kasapi upang ipaglaban ang tunay na pagbabago at tiyakin ang kanilang kaligtasan at muling pagbangon sa larangan ng politika.
Sa ginanap na pulong balitaan, tiniyak ng Bayan Muna na susuportahan ang mga pagsusumikap para patalsikin si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment bunsod ng nasiwalat na katiwalian at pagtataksil sa tiwala ng bayan. (ROSE NOVENARIO)