📷 Former Bayan Muna Rep. Carlos Zarate
Mariing kinondena ni dating Bayan Muna Congressman Carlos Isagani Zarate ang ipatutupad na Value Added Tax on Digital Service o Republic Act 12023.
Ayon kay Zarate, ang pagpataw ng 12% digitax sa mga digital na produkto at serbisyo ay hindi ang daan pasulong bagkus ay isang patakaran na malaking dagok sa mga pangkaraniwang mamamayan na papasan ng mataas na subscription fees sa platforms gaya ng Netflix at Spotify.
Maging ang digital platforms aniya na pansuporta sa edukasyon, gaya ng Canva at Zoom, ay papatawan din ng buwis maliban kung ito’y ginagamit ng accredited educational institutions.
Itinatampok sa bagong batas ang regressive na epekto nito at ang hindi nararapat na pasanin na ibinibigay nito sa mga ordinaryong Pilipino.
Ang regressive tax ay isang buwis na kumukuha ng mas malaking porsyento ng kita mula sa mga pangkat na mababa ang kita kaysa sa mga grupo na may mataas na kita.
“Bakit pass on charges like VAT na end users o consumers ang tinatamaan ang pinapasa ng Marcos admin? Bakit hindi i-certify as urgent ang Wealth Tax na ipapataw sa mga oligarchs at bilyonaryo na nagpapasasa ng limpak-limpak na profits galing sa ating ekonomiya?” aniya.
Binigyang-diin ni Zarate ang pangangailangan para sa mga alternatibong hakbang na nagbibigay ng kita, tulad ng Wealth Tax, na ayon sa kanya ay magiging mas pantay at epektibo.
Imbes aniya isang digitax ay mariing iginigiit ng Bayan Muna na ikonsidera ang isang wealth tax na makakalikom ng hanggang P98-B kapag pinatawan ng buwis ang  top 20 billionaires sa bansa.
“Instead of a digitax, we strongly assert that a wealth tax should be considered. This would generate around P98 billion by imposing a tax on the top 20 billionaires. This should be the focus of our attention,” ani Zarate.
“For these reasons, we oppose the imposition of VAT on digital services. It’s time to prioritize the welfare of the Filipino masses over regressive taxation,” paliwanag niya. (ROSE NOVENARIO)