Tinanggihan ng Senado ang kahilingan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na payagan ang kanyang pamilya na gamitin ang Senate Mansion sa Baguio City ngayong buwan.
Kinompirma ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na kinakailangan ang presensya ng senador kung gagamitin ang opisyal na tirahan.
Idinagdag niya na magpapadala ng pormal na tugon kay Dela Rosa hinggil sa naturang kahilingan.
Sa isang liham na may petsang Marso 12, hiniling ni Dela Rosa kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na payagan ang kanyang pamilya na manatili sa mansion mula Marso 26–29, 2026, para sa Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Cup.
Natanggap ng Office of the Senate Secretary ang liham sa parehong araw.
Si Dela Rosa ay apat na buwan nang hindi dumadalo sa Senado matapos lumabas ang ulat noong Nobyembre 2025 na naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng umano’y crimes against humanity na iniuugnay sa dating pangulong Rodrigo Duterte.
Tinanggal na rin siya sa halos lahat ng committee membership at nahaharap sa ethics complaint mula sa watchdog group na “Wag Kang KuCorrupt” dahil sa pagiging “absentee senator.” (ROSE NOVENARIO)
