Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na walang anumang pressure mula sa grupo o indibidwal sa kanilang imbestigasyon kaugnay ng reklamong inendorso ng Office of the Ombudsman laban kay Sen. Rodante Marcoleta.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH, maingat na sinusuri ng Law Department ang kaso upang matiyak na kumpleto ang ebidensya sakaling mauwi ito sa kasong kriminal.
Posibleng masaklaw aniya ang mga paglabag gaya ng perjury at election offense, habang ang Political Finance and Affairs Department naman ay tumututok sa administrative side ng reklamo.
Dagdag ni Laudiangco, iginagalang ng komisyon ang pananaw ni Sen. Panfilo Lacson na may “interest group” na nagpe-pressure sa mga Comelec commissioners para huwag pirmahan ang resolution sa kas oni Marcoleta, ngunit nananatiling independent aniya ang Comelec sa kanilang proseso.
Kapag napatunayang may election offense, maaaring kaharapin ng sangkot ang parusang isa hanggang anim na taong pagkakakulong, pagkawala ng karapatang bumoto, at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.# (JCNE)