Mon. Mar 16th, 2026

“Hungkag na palabas at isang epic failure” ang dalawang taong programa ng amnestiya ng National Amnesty Commission (NAC) ng administrasyong Marcos Jr., ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP) sa isang kalatas.

Natapos noong Biyernes, Marso 13, ang panahon ng aplikasyon ng NAC, at sinabing libo-libong aplikanteng mga “dating rebelde at tagasuporta” ang kanilang natanggap.

Ayon kay Marco L. Valbuena, Chief Information Officer ng CPP, karamihan sa mga aplikante ay mga magsasaka at maralitang sibilyan na napilitang sumuko at mag-apply para sa amnestiya.

Dagdag pa ni Valbuena, iilan lamang na aniya’y “kontra-rebolusyonaryong taksil” na ngayo’y nakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang lumahok sa programa.

“Lubos na kasuklam-suklam ang mga taksil na ito sa pagtanggap ng ‘amnestiya’ mula sa mga pasista kapalit ng pagtataksil sa pambansa at demokratikong mithiin ng sambayanang Pilipino at alaala ng kanilang mga martir,” aniya.

Mula nang ilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Proclamation No. 404 noong Nobyembre 2023, mariing tinanggihan ng CPP ang tinatawag nitong “pekeng amnestiya.”

Giit ni Valbuena, nananatiling determinado ang kilusang rebolusyonaryo na isulong ang “armadong pakikibaka laban sa imperyalismo, tiraniya, korupsiyon, at pang-aapi sa ilalim ng rehimeng Marcos.”

Binanggit din niya na nabigo umano ang kampanya ng gobyerno na pahinain ang rebolusyon.

“Ang tunay at pangmatagalang kapayapaan ay makakamtan lamang sa pagtugon sa ugat ng armadong tunggalian—malawakang kawalan ng katarungang panlipunan at kawalan ng tunay na pambansang soberanya,” diin ni Valbuena.

Pinuna rin niya ang administrasyon sa paggamit ng amnestiya bilang panibagong anyo umano ng korupsiyon, kabilang ang paggastos ng milyon-milyong pondo para sa mga lokal na amnesty boards at hindi na-audit na “barangay development programs.”

“Mali si Marcos sa paniniwalang kayang patayin ng terorismo ng estado ang mithiin ng mamamayan,” ani Valbuena. “Sa bawat araw na ginagamit ng militar at pulis ang armadong dahas, lalo lamang na napupukaw ang mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at kabuhayan, at mahikayat na lumaban.”

Sa huli, sinabi niyang ang amnestiya ay “nauwi lamang sa isang walang silbing piraso ng papel.” # (RRN)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *