Hinamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang grupo ng mga retiradong militar na maghain ng pormal na reklamo kung may ebidensya silang ahawak hinggil sa umano’y “third force” na nagpapakanan ng kudeta laban sa administrasyong Marcos Jr.
Ayon kay Teodoro, walang impormasyon na nakarating sa Department of National Defense (DND) hinggil sa nasabing pakana.
Isiniwalat kamakailan ni retired military general Romeo Poquiz sa isang paskil sa Facebook na nagbabalak umano ang tinawag niyang “third force” ng isang “Kudeta Me” plot.
“From the grapevine. This is what’s shaping up: ‘Kudeta Me’ by the so-called Third Force, then rule by civil military junta,” ani Poquiz.
“Patriots in the AFP [Armed Forces of the Philippines] must not allow this unconstitutional takeover of power,” dagdag niya.
Si Poquiz ay convenor ng United People’s Initiative (UPI), isang grupo ng mga retiradong opisyal ng militar na nanawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasunod ng pagkabulgar ng mga anomalya sa flood control projects.
Inaresto siya noong Enero 2026 bunsod ng ng kasong inciting to sedition na isinampa ng Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) at naglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. # (ROSE NOVENARIO)