Sat. Mar 21st, 2026

(Photo courtesy of Council for Health and Development)

 

Naglabas ng pahayag ng pakikiisa ang mga organisasyong pangkalusugan para kay Dr. Ana Marie Rilloraza, isang doktor na kilala sa kanyang mahabang serbisyo sa mga marginalized community, matapos siyang akusahan ng umano’y kaugnayan sa tinaguriang “Ilocos-Cordillera Regional Committee” ng 5th Infantry Division ng Philippine Army.

Si Dr. Rilloraza, nagtapos sa University of the Philippines College of Medicine (Batch 1993) at isa sa mga nagtatag ng UP Pangkalusugang Samahan ng mga Mag-aaral (PAGSAMA), ay matagal nang kinikilala sa kanyang dedikasyon sa community-based health work.

Sa simula ng kanyang karera, sumali siya sa Community Health Education, Services, and Training in the Cordillera Region (CHESTCORE), kung saan pinangunahan niya ang mga medical mission sa mga liblib at nasalantang lugar, at nagsanay ng daan-daang magsasaka at kasapi ng komunidad bilang community health workers.

Lumawak ang kanyang adbokasiya sa larangan ng pangkalusugang pangkapaligiran, bilang tagapagsalita ng Save the Abra River Movement.

Dokumentado niya ang pinsalang dulot ng malakihang pagmimina sa mga komunidad at ekosistema, at dinala ang kampanya sa pandaigdigang entablado sa People’s Health Movement sa Mumbai (2004) at sa 2nd People’s Health Assembly sa Cuenca, Ecuador (2005).

Binanggit sa pahayag na ang gawain ni Dr. Rilloraza ay sumasalamin sa moral na tungkulin ng mga doktor na harapin ang ugat ng karamdaman, kasabay ng pag-alaala sa sinabi ni Rudolf Virchow na “ang manggagamot ay likas na abogado ng mga maralita.”

Mariin nitong kinondena ang mga kasong inihain laban sa kanya bilang “gawa-gawa” at tinawag itong pag-atake sa mas malawak na kilusan para sa kalusugan, katarungan, at karapatang pantao.

“To criminalize her service is to criminalize compassion itself,” ayon sa kalatas.

“It is an attempt to silence those who dare to expose the cracks in our society and demand accountability for the injustices that make people sick.”

Ang Council for Health and Development (CHD), pambansang organisasyon ng community-based health programs, ay lumagda sa pahayag kasama ang CHESTCORE. Binigyang-diin nina CHD Chairperson Dr. Eleanor Jara at dating Chairperson Dr. Magdalena Barcelon na ang laban ni Dr. Rilloraza ay laban ng lahat ng nagtataguyod ng kalusugan, dignidad, at karapatang pantao.

Nagtapos ang pahayag sa panawagang palayain si Dr. Rilloraza, ibasura ang mga gawa-gawang kaso, at igalang ang kanyang batayang karapatan.# (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *