Fri. May 15th, 2026

Natukoy ng House justice committee nitong Miyerkoles na may sapat na batayan ang dalawang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa komite, hindi direktang tinugunan ng Bise Presidente ang mga alegasyon sa kanyang isinumiteng Answer Ad Cautelam.

Ang mga reklamong impeachment ay nag-aakusa kay Duterte ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon na confidential fund at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Iginiit ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima, isa sa mga nag-endorso ng reklamo, na hindi nasagot ng Bise Presidente ang mga isyu hinggil sa pondo, mga liquidation report, at umano’y anomalya sa Department of Education (DepEd).

Sa pagboto ng komite, sinabi ni Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House justice panel, na “hindi basta-basta” ang mga alegasyon at “nangangailangan ng konkretong sagot.”

Nakatakdang magsimula ang impeachment hearing proper sa Marso 25, at ihaharap ang ebidensya at mga saksi mula sa magkabilang panig.

Samantala, inaprobahan ng Kamara ang resolusyon na nagbibigay ng pahintulot sa pagpapatuloy ng mga pagdinig kahit naka-recess mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026. # (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *