Wed. Apr 1st, 2026

📷: Health Secretary Teodoro Herbosa

 

Nagsampa ng reklamong graft sa Office of the Ombudsman ang isang grupo ng healthcare advocates laban kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa at 16 pang opisyal ng DOH dahil sa umano’y pag-aaksaya ng mahigit P1.4 bilyong halaga ng mga gamot.

Ayon sa reklamo na inihain nitong Martes ng Concerned Department of Health Personnel, nabigo ang mga respondent na ipamahagi ang mga mahahalagang gamot gaya ng HIV antiretrovirals, psychiatric medications, at mga bakuna, na kalaunan ay nag-expire sa mga bodega.

Nakasaad sa reklamo na P68 milyong halaga ng mga gamot ang nag-expire na, kabilang ang 1.2 milyong cycles ng family planning drugs at psychiatric injectables, P1.3 bilyong halaga ng hindi naipadalang bakuna noong Enero 2026, at 1.6 milyong tableta ng HIV antiretrovirals na umabot sa “terminal status” habang naghihintay ng pirma mula sa mga opisyal.

“The respondents did not merely commit a clerical error; they demonstrated a ‘conscious indifference to consequences’ by allowing… resources to transition from life-saving medicine into ‘dead stock,'” ayon sa reklamo.

Dagdag pa rito: “Ang kabiguang ito na ipakita ang ‘diligence of a good father of a family’ ay bumubuo ng kriminal na kapabayaan sa tungkulin at direktang paglabag sa tiwala ng publiko.”

Ayon pa sa grupo, sa halip na magpatupad ng emergency catch-up distribution plans, minadali ng DOH ang pagtatapon ng mga gamot, na tinawag nilang isang “clandestine effort” upang takpan ang iskandalo at limitahan ang media scrutiny sa pag-aaksaya.

Binanggit sa reklamo ang internal communications mula sa Office of the Secretary, kabilang ang mensaheng: “Sir ang dami pala expiring commodities ng DPBC, grabe… Pag ito nalaman ng media, patay na naman.”

Bukod kay Herbosa, kabilang sa mga respondent sina DOH Undersecretaries Randy Escolango at Gloria Balboa, OIC-Director David Masiado, Dr. Anna Marie Celina Garfin, Dr. Adriano Suba-an, Dr. Cherylle Gavino, Dr. Maria Joyce Ducusin, Dr. Hardy Dumawing, Dr. Carmela Granada, Dr. Jan Derek Junio, Dr. Carmina Paz Vera, Dr. Jessa Joy Malipot, Mark Anthony Dizon, Liezl Fernandez, Mary Grace Bautista, at Jennifer Rabino.

Nahaharap din sila sa administrative complaints para sa Serious Dishonesty, Grave Misconduct, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of Public Service.

Hiniling ng grupo sa Ombudsman na agad na isailalim sa preventive suspension si Herbosa at ang kanyang mga kasamahan upang maiwasan ang pananakot sa mga saksi o ang posibleng pakikialam at pagtatago ng ebidensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nauna nang binanggit ng Commission on Audit (COA) sa ulat nito noong 2024 ang “mismanagement” ng DOH sa P134.3 milyong halaga ng medical supplies na nag-expire o malapit nang mag-expire. # (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *