📷: IBON Foundation | FB
Mariing kinondena ng Makabayan bloc ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y “patuloy na pagkandili sa mga kompanya ng langis at sa mga super-rich habang pinapabayaan ang karaniwang mamamayan” na pinipiga ng mataas na presyo ng petrolyo, kuryente, at pangunahing bilihin.
“Habang nagtitiis ang mamamayan, kumakamal ang kartel at ang iilan sa tuktok; habang hinihingan ng sakripisyo ang mahihirap, binibigyan ng palugit ang mayayaman,” ayon sa pahayag ng bloc.
Tinuligsa ng mga mambabatas ang mga programang pantulong ng pamahalaan na “laging huli, kulang, o limitado,” at iginiit na mas prayoridad ng administrasyon ang pagpapanatili ng regresibong istruktura ng buwis at ang pagtatanggol sa malalaking negosyo.
“Hindi krisis sa revenue ang problema kundi krisis sa political will at krisis sa pagbibigay-pribilehiyo sa oligarkiya,” dagdag ng grupo.
Inihain ng Makabayan ang House Bill 8123 o Billionaire Wealth Tax bill, na nagtatakda ng taunang buwis sa mga indibidwal na may netong yaman na higit sa ₱1 bilyon. May progresibong rate ito: 1 porsyento sa yaman lampas ₱1 bilyon, 2 porsyento lampas ₱2 bilyon, at 3 porsyento lampas ₱3 bilyon, kalakip ang mas mahigpit na probisyon laban sa pagtatago ng yaman at maling deklarasyon.
“Dapat managot ang nagtatago ng yaman at nagbubulsa ng tubo habang nagdurusa ang bayan,” giit ng bloc.
Batay sa datos ng IBON Foundation, nananatiling malalim ang agwat ng yaman sa bansa. Noong 2022, hawak ng top 10 porsyento ang humigit-kumulang ₱40 trilyon—doble ng pinagsamang ₱15 trilyon ng bottom 90 porsyento. Samantala, kontrolado ng top 1 porsyento ang ₱17.9 trilyon, halos tatlong beses ng pinagsamang yaman ng pinakamahihirap na 50 porsyento.
“Samantala, nananatiling mababa ang sahod at patuloy na kinukubkob ng presyo ang araw-araw na buhay ng milyun-milyon,” ayon sa pahayag.
Tinatayang makakalikom ang panukalang buwis ng hindi bababa sa ₱508 bilyon kada taon mula sa mga bilyonaryo, at ₱289 bilyon mula sa 50 pinakamayayamang Pilipino, habang nananatili pa rin ang kanilang napakalaking yaman. Ang pondo ay ilalaan sa kalusugan, edukasyon, proteksiyong panlipunan, trabaho, at pabahay, na may kasamang transparency requirements.
“Hindi dapat utang at buwis sa konsumo ang laging solusyon ng administrasyong Marcos; dapat kunin ang pondo sa sobrang yaman ng iilan,” diin ng Makabayan.
Sa huli, nanawagan ang bloc sa Kongreso na agarang talakayin at ipasa ang HB 8123, at isulong ang mga tunay na maka-mamamayang hakbang laban sa profiteering, para sa mas mataas na sahod, mas mahigpit na regulasyon, at mas matibay na serbisyong panlipunan.
“Panahon nang singilin ang bilyonaryo at kartel, at ipagtanggol ang karapatan ng nakararami,” pagtatapos ng pahayag. # (ROSE NOVENARIO)