📷: Ramil Madriaga
Hiniling ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa isang liham sa House Committee on Justice na ilipat sa kanilang kustodiya ang nakakulong na testigong si Ramil Madriaga, bilang pagtiyak sa kanyang seguridad at pagharap sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Hinimok din ni Diokno ang komite na maglabas ng mga subpoena para makuha ang mahahalagang dokumento, kabilang ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte at mga rekord na maaaring magpatunay kung may “unexplained wealth” o hindi idineklarang assets.
Kasama sa mga dokumentong inihirit ang mga ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y banta ng bise presidente laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Tatalakayin ng komite ang mga kahilingang ito sa susunod na linggo habang naghahanda para sa evidentiary phase ng impeachment proceedings. (RRN)