Larawan mula sa SAKA
INAKUSAHAN ng mga nakaligtas sa martial law ni Ferdinand Marcos Sr. ang kanyang anak sa pagkakaroon ng masahol na rekord ng paglabag sa karapatang pantao sa loob ng dalawang taong pagkaluklok sa Malakanyang.
Sa ika-52 anibersaryo ng opisyal na deklarasyon ng batas militar ni Ferdinand Sr., sinabi ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) na si Ferdinand Jr. ay naging bantog sa pagkakaroon ng 105 kaso ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Dagdag pa rito, anang CARMMA, ang 75 frustrated EJKs, 15 enforced disappearances, 145 illegal arrests and detentions, 42,426 kataong sapilitang inilikas, 44,604 biktima ng pambobomba at 63,379 biktima ng indiscriminate firing ang naiulat mula Hulyo 2022.
Hindi kasama sa listahan ng CARMMA ang napaulat na pagdukot sa mga kabataang organizer ng magsasaka na sina Vladimir Maro at Andy Magno sa San Pablo, Isabela noong Setyembre 11.
“(CARMMA) marks the 52nd anniversary of the martial law declaration with renewed outrage over the continuing human rights violations and violations of international humanitarian law (IHL) suffered by our people, this time under the Marcos scion Ferdinand Jr.,” ayon sa grupo.
Ayon sa CARMMA, nabigo si Marcos Jr. na usigin at ganap na panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang mga patakaran sa pagpatay at madugong rekord, habang ginagawa rin niya ang mga polisiya na lumikha sa krisis sa karapatang pantao.
“[This] speaks volumes on the heightened climate of impunity under the current administration,” sabi ng CARMMA.
Sinabi ng grupo na ang censorship, isang rekado sa ilalim ni Marcos Sr., ay lumilitaw rin sa sa ilalim ng administrasyon ng kanyang anak, lalo na ang tinaguriang ratings body na nagtangkang ipagbawal ang pagpapalabas sa mga sinehan ng isang dokumentaryo tungkol sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos bago nanaig ang reclassification nito bilang R-16.
Tinukoy rin ng CARMMA ang mga nakaraang pagtatangka ng gobyernong Marcos Jr. na ipagbawal ang mga aklat na may progresibong nilalaman, dagdag pa sa pag-amin ng Department of Education sa mga hakbang na burahin ang pariralang “diktadurang Marcos” sa mga aklat-aralin sa paaralan.
Giit ng grupo, ang mga ito at mga hakbang upang pabanguhin ang batas militar sa mga aklat-aralin sa kasaysayan ay bahagi ng ikinasang pagtatangka upang pigilan ang publiko na malaman ang katotohanan at mamanhid ang bansa laban sa mga kapansin-pansing aksyon ni Marcos Jr. upang gayahin ang paniniil ng kanyang ama.
Inakusahan din ng martial law survivors ang pangalawang administrasyong Marcos na muling nilikha ang “mythical golden era” ng diktador sa pamamagitan ng mga proyekto tulad ng pamamahagi ng nutribun, awit ng Bagong Pilipinas at mga programang ginagaya ang kontrobersyal na programang pang-agrikultura ng Masagana 99.
Tinatahak din anila ni Marcos Jr. ang parehong mapangwasak na landas tungo sa mga kasuklam na paglabag sa karapatang pantao, lalo na ang mga extrajudicial killings, sapilitang pagkawala at walang habas na pambobomba at food and economic blockade sa mga komunidad sa kanayunan.
Sinabi ng CARMMA na ang mga pagsusumikap ng Malacanang ay nabibigo habang kinikilala ng mga mamamayan ang mga palatandaan ng umuusbong na diktadura at labis labis nilang tinutuligsa ito.
Tiniyak ng grupo na hindi nila kukunsintihin ang kalunos-lunos na pag-uulit ni Marcos Jr. ng mapanupil na paghahari ng kanyang ama.
Sa gitna anila ng malupit na ambisyon ni Marcos Jr, ang dapat na maulit na bahagi ng kasaysayan ay ang kagila-gilalas na pagbagsak ng pamamahala ng Marcos.
Samantala, libu-libong aktibista ang nagmartsa patungo sa Mendiola upang magsagawa ng kilos-protesta ika-52 anibersaryo ng batas militar pero ang Philippine National Police, naglagay ng barikada sa kanto ng Morayta at Recto Avenue sa Maynila, na nagpapaalala sa mga araw ng diktadura. (ROSE NOVENARIO)