ISA na namang taktikang pusit ni Vice President Sara Duterte ang pagbisita kay dating Bise Presidente Leni Robredo sa Naga City kagabi upang ilihis ang atensyon ng publiko sa kuwestiyonableng paggasta niya sa P125-M confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Inihayag ito ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kasunod ng kontrobersyal na pagdalaw ni VP Sara kay Robredo.
“While the visit is described as personal and not political, we must remain vigilant and focused on the more significant issue at hand—holding Vice President Duterte accountable for the P125 million in confidential funds spent over just 11 days in 2022,” sabi ni Castro.
Kinompirma ng dating tagapagsalita ni Robredo ang pagbisita ni VP Sara, na itinaon sa piyesta ng Peñafrancia Festival, na personal ang pakay at hindi politikal.
Ayon kay Castro, hindi dapat malihis ang atensyon ng mga mamamayan sa naturang mga maniobra at ang kailangan hilingin ay “transparency at accountability” lalo na kapag ang sangkot ay pondo ng bayan.
Ang mga kuwestiyon hinggil sa confidential funds ay kailangan matugunan at maging malinaw.
“Pumunta na lang din siya sa Naga ay dapat na tularan ni VP Duterte si former VP Robredo sa pagharap sa budget briefing at plenary deliberation ng OVP budget,” anang Deputy Minority leader.
Hinimok ng teacher solon ang publiko na magtuon sa paghirit ng pananagutan at kalinawan mula sa mga pinuno ng bansa dahil ito’y krusyal para sa demokrasya at pamamahala.
Iginiit ni Castro ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa pananagutan kaysa personal na alyansa.
“While personal ties exist, it should not overshadow the need for accountability in public service,” wika ni Castro. (ROSE NOVENARIO)