HINAMON ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Aco si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na magkalalaki at huwag magtago sa palda ni Vice President Sara Duterte.
Ang pahayag ni Acop ay bilang tugon sa sinabi ni dela Rosa na ang testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog na ay bahagi ng isang demolition job na ang target ay si VP Sara at mga kaalyado niya sa eleksyon sa 2028.
“There’s no demolition job here. Only legitimate questions that need clear answers,”ani Acop.
“Sen. Dela Rosa should be man enough to face the facts and take responsibility, instead of hiding behind VP Sara’s skirt,” giit ni Acop, vice chairman ng quad committee.
Binigyan diin niya na ang mga pagdinig ay may layuning matuklasan ang katotohanan sa likod ng extrajudicial killings at mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa ipinatupad na Duterte drug war at ang koneksyon nito sa illegal Philippine offshore gaming operators (Pogos) at illegal drugs.
“Former Mayor Mabilog’s testimony is crucial. Our goal is to craft laws that will put an end to these crimes, not to play political games,”ani Acop.
Napaiyak pa si Mabilog nang isiwalat sa quad comm hearing na nakatanggap siya at ang kanyang pamilya ng mga pagbabanta mula bansagan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang protector ng illegal drugs.
Napilitan ang pamilya Mabilog na magpunta sa US at humingi ng asylum status sa Amerika na ipinagkaloob naman sa kanila ng US government.
Muntik na aniya siyang makombinse ni dela Rosa na magbalik sa bansa kundi sa tawag ng isang heneral na nagbabala na kapag umuwi siya sa Pilipinas ay pipilitin siyang ituro sina dating Sen. Mar Roxas at Franklin Drilon bilang sangkot sa illegal drugs at matapos ito’y ipapapatay naman siya.
Nagpahayag ng kahandaan si Mabilog na tumestigo sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte na nahaharap sa reklamong crimes against humanity bunsod ng ipinatupad niyang madugong drug war. (ROSE NOVENARIO)