📷Rally sa harap ng Mababang Kapulungan bilang panawagan sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte
MAGLULUNSAD ng serye ng pagkilos ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) upang manawagan para sa pagpapatalsik sa puwesto kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.
Sa isang kalatas ay sinabi ng Bayan na kinakailangan ang pagpapatalsik kay Duterte bilang pagpapanagot sa isang opisyal ng pamahalaan tulad niya na gumawa ng mabibigat na kasalanan na pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Ang maanomalyang paggastos ni Duterte ng confidential funds noong 2022 at 2023, ang mga iregularidad sa pamamahagi ng mga pondo sa panahon ng kanyang termino bilang Department of Education secretary, at ang kanyang pagtanggi na sagutin ang mga tanong tungkol sa mga isyung ito sa mga pagdinig sa badyet ay sapat na batayan upang maalis siya sa puwesto, giit ng Bayan.
Sa halip anila na gampanan ang kanyang tungkulin na maayos na i-account at ipaliwanag ang maling paggamit ng mga pondo ng kanyang opisina, siniraan ni Duterte ang kanyang mga kritiko at gumamit ng taktikang pusit para maiwasan ang pananagutan.
Paliwanag ng Bayan, napakahalaga ng pag-impeach kay Duterte para itaguyod ang transparency at accountability o ang pagiging makatotohanan at may pananagutan sa pamamahala.
Magsisilbing babala anila ito sa mga tiwaling opisyal na ang pagkahalal sa kapangyarihan ay hindi nagbibigay sa kanila ng lisensya na gumawa ng malubhang maling gawain sa panunungkulan.
Itinuring anila ni Duterte ang pondo ng bayan bilang isang trust fund na maaari niyang itago at ibigay para sa pampulitikang bentahe.
Ayon sa Bayan, ginawa ni Duterte ang mga krimeng ito sa gitna ng malawakang gutom at kahirapan sa bansa habang sinasabing siya ay isang masunuring lingkod-bayan.
Ang kawalang-katapatan at kabastusan ni Duterte ay patunay na hindi siya karapat-dapat na manatili bilang isang opisyal ng pamahalaan, giit ng Bayan.
Bukod sa serye ng mga protesta ngayong linggo upang itambol ang panawagan para sa impeachment ay magkakaroon ng Black Friday noise barrage sa buong bansa sa Setyembre 27. (ROSE NOVENARIO)