IPINAGLIHI pala kay American magician David Copperfield ang isang mataas na opisyal ng Palasyo.
“Ha? Bakit? Paano?” sunud-sunod na tanong ng iritadong miyembro ng Las Chismosas dahil tila naiskupan siya sa lugar na kanyang tinututukan.
Ito raw palang Palace exec na pamoso bilang si Boy Riles ay tinawagan ng isang mambabatas dahil sa problema niya sa mga negatibong komentaryo ng netizens tungkol sa makasaysayang pagbaha sa rehiyon ng Bicol dulot ng Super Typhoon Kristine.
Natural na makakaapekto ang isyu lalo na’t nasa yugto ng deliberasyon ang Kongreso sa panukalang 2025 budget at sa kanyang kandidatura sa 2025 midterm elections.
“Hello, magandang umaga, Boy Riles, si Boy Solar ito,” bungad daw ng solon nang tawagan ang Palace exec kamakailan.
Nakisuyo raw si Boy Solar kay Boy Riles na burahin ang mga negatibong reaksyon ng netizens sa website na minamantine ng “tanggap-an” ng Palace exec hinggil sa paghananap kung saan napunta ang bilyones na pondo sa flood control projects.
“Ay ganun ba? Sorry Boy Riles, pabaya itong mga tao ko ah, bakit pinalusot yang mga komentaryo? Don’t worry Boy Riles, ako na ang bahala,” sabi raw ng Palace exec sa solon.
Agad daw inutusan ng Palace exec ang hepe ng ahensyang inireklamo ni Boy Solar para tumalima sa request na burahin sa website ang nega reax ng netizens.
Muntik pa raw mahulog ang hawak na suklay ng agency chief nang tawagan ng amo niya, bisyo kasi niyang hagurin ng suklay ang numinipis na niyang tuktok.
Habang ang inutusan naman niyang empleyado ay muntik maihi sa kanyang ti-pan sa nerbiyos dahil nabisto ang kanyang kapabayaan na maging guwardiya sibil ng socmed.
CLUE:
Halos mamaos si Boy Solar sa kakasalag sa mga banat sa pagbaha sa Region 5 at nanahimik pansamantala para mamatay ng kusa ang isyu at iniasa kay Boy Riles ang pagbabantay at pagbubura sa mga tinawag nilang “negatrons.”
Ang mag-among Boy Riles at Boy Suklay nama’y kinilig sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ni Boy Solar lalo na’t pagador ng isang mataas na opisyal ng Bossing ng Bayan Mo (BBM) ito.
Dati raw naeskandalo sa isyung pinya ang ahensya ni Boy Suklay at si Boy Riles nama’y dating may alyas na Boy Kuryente sanhi ng ilang beses na “Wow, Mali” sa pagbibigay ng impormasyon sa madla.
Kinuha raw ni Boy Riles ang serbisyo ng isang naging PR daw ni Digongnyo upang pabanguhin ang mabaho pa sa pusaling imahe niya at ng Bossing ng Bayan Mo.
Tanong ng Las Chismosas kaya ba natataranta si Boy Solar bunsod ng pangamba na ang raket niya na tagapagtaguyod daw ng benepisyo ng araw ay nagmula sa pondo sa pagkontrol ng baha?
‘Yun na!