Mon. Jan 6th, 2025

Walang bilang o hindi mahalaga ang papel ng bise presidente bilang ex-officio member kaya siya inalis sa National Security Council, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

Ito aniya ang dahilan kaya tinanggal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte sa NSC, batay sa inilabas niyang buwena manong direktiba sa 2025, ang Executive Order No. 81.

Bukod kay VP Sara, “sinipa” rin ni Marcos Jr. sa NSC ang mga dating pangulo gaya nina Rodrigo Duterte, Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada.

Hindi maitatago ang tumitinding hidwaan ng mga Marcos at mga Duterte lalo na’t papalapit ang 2025 midterm elections at siguradong may kinalaman ito kaya nabuo ang EO 81.

Kung susuriin, ang EO 81 ay taliwas sa Executive Order 37 na nilagdaan  noong Agosto 10, 2023 na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na makipagtulungan sa NSC sa pagpapatupad ng National Security Police 2023-2028, ang palasak na ‘whole-of-government approach sa paglaban sa mga hamon sa pambansang seguridad.

Sabi sa EO 37, “For this purpose, the NSC, through the NSA, shall monitor the implementation of the NSP 2023-2028, and upon consultation with and concurrence of relevant government agencies, GOCCs, and LGUs, shall propose memoranda, circulars and other orders related to the implementation thereof, for the approval of the President.”

Posible kayang may na-monitor si National Security Adviser Eduardo Ano na paglabag ng mga Duterte, Arroyo, at Estrada kaugnay sa implementasyon ng NSP 2023-2028 at maaaring inirekomenda niya kay Marcos Jr. na alisin sila sa NSC?

Nangyari kasi ito sa kasagsagan ng alitan ng mga Marcos at mga Duterte at mahigit isang buwan matapos isiwalat sa House Blue Ribbon Committee na ibinigay ni Gina Acosta,special disbursing officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) ang P125 million confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica, commander ng Vice Presidential Security and Protection Group, makaraang ma-encash niya ang tseke noong Disyembre 20,2022 sa Land Bank of the Philippines (LBP) Shaw Boulevard branch sa Mandaluyong City, bilang pagtalima sa utos ni VP Sara.

Habang si Edward Fajarda, ang SDO ng Department of Education (DepEd)  ay ibinisto rin na ibinigay niya ang P37.5 million confidential funds para sa first quarter ng 2023 kay Col. Dennis Nolasco, DepEd’s designated security officer, batay rin sa utos ni VP Sara na noo’y kalihim ng kagawaran.

Sa kanyang mga paliwanag sa media, bukambibig ni VP Sara na may kinalaman daw sa national security, partikular sa paglaban sa mga rebeldeng maka-kaliwa, ang paggasta niya sa daan-daang milyong confidential funds.

Kahit wala sa mandato ng OVP at DepEd ang sumawsaw sa counter-insurgency program, posibleng idahilan niya na kaya siya umepal rito ay bunsod ng diskarteng “whole-of-government approach” pero halatang wala siyang koordinasyon kay Ano sa mga umano’y pinagkagastusan niyang paniniktik, pangangalap ng impormasyon at pagbayad sa mga impormante.

Maging ang isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) na dokumento na pinagkagastusan daw nila ng P15 milyon na Youth Leaders Summit ay itinanggi ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tinuldukan ng House Blue Ribbon Committee ang pagsisiyasat sa kuwestiyonableng paggasta ni VP Sara ng mahigit P600 milyong confidential funds kahit hindi humarap sina Nolasco at Lachica para imbestigahan sa pagiging “pagador” ng bise presidente.

Katuwiran ng komite, may internal investigation ang AFP sa partisipasyon ng dalawang colonel sa hinahanap na mahigit P600-M pera ng bayan.

Ginamit lang kaya ang counter-insurgency para palabasin na naubos ang confidential funds?

Posible rin kayang ang perang ito ay nakatago lang bilang “reserbang pondo” para sa pagpapabagsak sa administrasyong Marcos Jr?

Maaaring “kumanta” na raw ang dalawang colonel sa imbestigasyon ng AFP na nagbigay daan sa EO 81.

Para mabura ang mga haka-haka ni Juan dela Cruz, mas makabubuting ilahad ng AFP ang resulta ng pagsisiyasat nila kina Nolasco at Lachica dahil may karapatan ang taong bayan na malaman ang katotohanan.

Hindi dapat itago ng AFP ang kanilang baho, kailangan managot ang may sala.

Wala ba talagang bilang si VP Sara o nabuking siyang kalaban?

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *