HINDI lang pala sa pogi points para sa eleksyon ginagamit ng mga politiko ang ayuda na nasa pangangalaga ng DSWD.
Isang mambabatas na itago natin sa pangalang Mr. Suwabe , na hindi kandidato sa 2025 midterm elections, ang nakaisip ng paraan para mapakinabangan niya ang ayuda.
“Merry Christmas po, Mr. Suwabe!” sabay-sabay na pagbati ng ilang kaibigan ni Mr. Suwabe.
Alam ni Mr. Suwabe na pahiwatig ito na namamasko ang mga nasa harap niya na nakatulong naman noong siya’y struggling pa lamang para sumikat.
Muntik malaglag ang isang friend ni Mr. Suwabe nang sabihin sa kanila ng solon na magpunta sila sa kani-kanilang barangay para humingi ng certificate of indigency.
Kapag nakakuha na raw sila nito ay magtungo sila sa tanggapan ng DSWD at pabibigyan daw ng 10k bawat isa sa kanila na ikakarga sa ayudang “care of” sa kanya.
“Grabe naman si Mr. Suwabe. Ang pamasko niya ay ikakarga sa ayuda eh pera ng bayan ‘yun, hindi naman kanya,” napailing na sabi ng kaibigan ni Mr. Suwabe na bagong recruit ng Las Chismosas.
CLUE:
Mahilig daw sa chikas si Mr. Suwabe at ilang prominenteng babae na ang naugnay sa kanya sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.
Ilang beses na nabisto ang “katangahan” ni Mr. Suwabe mula maluklok bilang mambabatas, pero pagdating pala sa paggasta sa pondo ng bayan, mas tuso pa siya sa matsing.
“Minsan na siyang naging katatawanan nang ipanukala raw niyang imbestigahan ang mga miyembro ng NPA. Kahit si Batman, hindi kayang hanapin ang mga rebelde para iharap sa pagdinig,” humahalakhak na kuwento ng isang miron.
‘Yun na!