TALBOG ang astahan ni Iris Buenavidez-de Vera ng pamosong teleseryeng “Lavender Fields,” sa isang Donya-donyahang ipisyal na kinamumuhian ng mga taga Department of Health (DOH).
May entourage ang ipisyal na itago natin sa tawag na “Oral Health Queen” sa tuwing dumarating sa tanggapan at may tagabitbit pa ng kanyang mamahaling branded na bag.
Super tigas raw ng leeg ni OHQ sa tuwing naglalakad na animo’y panginoong maylupa na mga alipin niya ang tingin sa lahat ng mas mababang mga opisyal at kawani ng kagawaran.
Bisyo rin daw ni OHQ na murahin ang mga “alipin” na parang galing siya sa pagmumog ng tubig mula sa imburnal.
“Masahol pa sa lasenggong istambay sa iskinita ang asal ni OHQ kaya’t lahat ay suklam na suklam sa kanya,” sabi ng nagngingitngit na Chismosa sa Avenida.
Minsan ay naispatan daw ni OHQ ang coffee mug na dilaw na may tatak na Healthy Pilipinas, nagulat daw ang lahat ng bigla siyang nagwala.
“Ayoko makakita ng Healthy Pilipinas dito. Itapon o sunugin nyo lahat ng materyales na may tatak niyan,” sigaw raw ni OHQ.
Ang Healthy Pilipinas ay isa sa mga dating programa ng kagawaran.
Sa isa pang insidente rin ng ‘meltdown’ ni OHQ, buong ningning na tinakot niya ang lahat ng kaharap na kaya niyang ipatanggal ang lahat ng may ranggong director, pataas dahil super lakas niya sa isang makapangyarihang nilalang sa Malakanyang.
CLUE:
Napilitan daw umalis sa kagawaran ang isang opisyal na napakalambot ng katawan para si OHQ ay mapagbigyan sa puwestong kinalalagyan.
Hindi pa raw yata kuntento si OHQ sa puwesto niya sa “kusina” at sa halip na “pamamalengke” lang ng mga kailangan ng kagawaran ang kanyang atupagin, inaasinta niya na maging pinuno ng buong DOH.
Mamalasin daw ang empleyado na magpapirma sa kanya kapag walang mga letrang ‘DR” bago ang kanyang pangalan.
‘Yun na!