SA mga simpleng salita, at maigsing talumpati ay naipaliwanag ni Ronnel Arambulo kung bakit ang sampung kandidato sa pagka-senador ng Makabayan Coalition ang dapat iboto sa 2025 midterm elections.
Kung tutuusin, napakapayak pero tagos sa puso ang pagsalaysay ni Ronnel sa layunin ng koalisyon kaya nais pumalaot sa Senado, pero sa kanyang kakaibang estilo, mistula siyang naging ‘rockstar’ sa hanay ng mga progresibo ng ilunsad ang kanilang kandidatura.
Tuwang-tuwa ang mga nakinig, napapadyak at pinalakpakan siya ng husto matapos ang kanyang speech.
Malinaw na hindi lang sa haba at lalim ng mga salita, hinahangaan ang isang public speaker kundi kung paano niya ito binigkas at ipinaunawa sa kanyang audience.
Si Ronnel, isang mangingisda at mula sa pamilya ng mga mangingisda, ang vice chairman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas (PAMALAKAYA), ay nagdeklara na ang pagsuporta sa Makabayan Coalition ay pagsuporta sa ating mga sarili.
Tama naman si Ronnel, saan ba dinala ng mga edukado, mga nagtapos daw sa Harvard University at mga tituladong tradisyonal na politiko ang ating bansa?
Inilubog tayo sa P15.69 trilyon utang, pinalobo sa 2.38 milyong Pinoy ang walang trabaho, ginahasa ang kalikasan para sa kanilang kapakakinabangan kesehodang malunod tayo sa baha tuwing may bagyo o matinding pag-ulan.
Sabi nga ni Ronnel, pinasinungalingan ng bagyong Carina ang ipinagmalaking pekeng 5,500 flood control projects ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Ang tunay aniyang flood control ay ang pangangalaga sa ating kalikasan.
Ipinunto niya na hindi lamang sa mga baybayin nagaganap ang problema ng mga mangingisda kundi hanggang sa laot, partikular sa West Philippine Sea na ipinagkakait ang karapatan ng mga mangingisda na pakinabangan ang ating likas yaman sa kabila ng mayroon tayong political , legal na batayan na sa atin ang West Philippine Sea dahil ito’y dinesisyunan na ng arbitral tribunal noon pang 2016.
“Ano ang ginawa ni Duterte? Sinabi niya na ang ating tagumpay ay parang papel lamang na dapat itapon sa basurahan. Napakalaki ng kasalanan ng administrasyon ni Duterte.”
Sinopla rin ni Ronnel ang postura at ibinabandila ni Marcos Jr. na tagapagtanggol ng Pilipinas ang US laban sa China.
“Ang US ay walang pinag-iba sa China na imperyalistang bansa na ang layunin kung bakit sila andito ay upang dambungin ang ating likas yaman. Sila ang dahilan kung bakit lalong na-provoke ang China diyan sa West Philippine Sea. Kaya malinaw na ang dalawang imperyalistang bansa na ito ay hindi natin kakampi,” wika niya.
Binigyan diin ni Ronnel na ito na ang tamang panahon para wakasan ang pamamayagpag ng mga trapo sa Senado, at iupo ang mga tunay na kinatawan ng sektor na talagang nakararanas ng totoong buhay ng mga ordinaryong mamamayan.
Ang mahigit 90 porsiyento aniya ng populasyon ang bumubuhay sa lipunan pero salat sa kabuhayan.
“Wala ang mayorya ng ating sektor sa Senado. Wala silang ambag sa paglikha ng pangangailangan ng bawat isa sa ating bansa. Pero sila ang nagtatamasa ng lahat ng ating nilikha. Dahil pinagsasamantalan, kinakatas nila.ang ating lakas at talino.”
Sampal sa mga trapo at kakampi nilang mga dambuhalang negosyante ang mga pinakawalang katotohanan ni Ronnel.
Kung talagang mahal natin ang bayan, ang ating pamilya at ating mga sarili, nais nating tuldukan ang kahirapan, ang tanging solusyon ay iluklok ang mga kinatawan ng sambayanang Pilipino sa Senado.
MAKABAYAN Coalition naman sa Senado!