HINDI lang nakakainis, nakakahilo pa ang pagduyan ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo a.k.a. Guo Hua Ping sa mga senador sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality kahapon.
Kung gaano siya nagsinungaling sa mga nauna niyang pagpunta sa Senado, tila dinoble pa ni Guo ang tibay ng dibdib sa paghahabi ng mga kuwentong kutsero.
Hindi na kasi umubra na ipanakot sa kanya ng mga senador na ipakukulong siya for contempt dahil nakabilanggo naman na siya sa Camp Crame.
Parang nagsayang lang ng oras at pera ng bayan sa palabas ni Guo sa Senado, “hindi ko po matandaan” na ang pumalit sa linya niyang “hindi ko po alam.”
Batid na ngayon marahil ng mga senador na wala na silang mapapala kay Guo, at ang tanging magagawa nila ay tulungan ang hukuman, Ombudman, Comelec at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-share ng mga ebidensyang nakalap nila laban sa dating alkalde upang maging matibay ang mga kasong nakasampa laban sa kanya.
Bukod pa ang mga iaakdang batas para matuldukan ang operasyon ng mga organized crime syndicate sa bansa mula sa lokal na pamahalaan hanggang sa pambansang antas.
Unang casualty sa Alice Guo saga ay si Immigration commissioner Norman Tansingco na sinibak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa pagtakas ng dating alkalde noong Hulyo.
Ibig sabihin, maging si Marcos Jr. ay hindi kombinsido na walang kasabwat si Guo sa naturang kawanihan lalo na’t may impormasyon na nakarating umano sa Palasyo na may nag-resign na immigration officer matapos makapuga sa Pinas ang dating alkalde.
Hindi naman daw purdoy ang resigned immigration officer dahil ang kanyang Mommy na “ex-actress” ay hindi naman lumaki sa farm, gaya ni Guo, pero mayroon daw napakalaking farm sa isang probinsya sa Central Luzon.
Aba’y para raw Bonnie and Clyde ang mag-ina, magkasapakat daw sa operasyon para makatalilis si Guo.
Hindi lang silang mag-ina ang involved umano sa “The Great Escape” kundi maging ang utol na lalaki daw ni Mommy, na nakabase sa Muntinlupa City, ay nadawit ang pangalan dahil kaibigan niya ang may-ari ng private plane na umano’y sinakyan ng Guo siblings.
“Kaya hindi maipaliwanag ng maayos nina Alice at Shiela ang senaryong bangka at barko ang ginamit nila sa pagpuga kaya nga lumapag sila sa Kuala Lumpur airport noong July 18, di ba?” anang source.
Ang malupit sa Alice Guo saga, isang mambabatas daw na dating jowa ng mommy ni resigned immigration officer ang may kakaibang katahimikan sa nakalipas na ilang linggo.
Habang ang kanyang ” hilaw na stepson” pati ang pamilya nito’y namaalam na raw sa Pilipinas kong mahal kamakailan.
Kung totoo na ang mambabatas din ang umano’y “kapit” ng sinibak na BI chief kaya napuwesto,ibig bang sabihin ay “bad shot” na ngayon sa Palasyo ang kanyang padrino?
Mapapako rin kaya ang pangako ni Marcos Jr. na hindi lang sisibakin kundi kakasuhan din ang mga nagsabwatan para makatakas si Guo, gaya ng pangako niyang ibabalik sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas kapag naluklok sa Palasyo?
Kung seryoso si Marcos Jr. na purgahin ang Bureau of Immigration para mabawasan o tuluyang mawala ang katiwalian, unahin nila sa pagwawalis ang Alien Registration Division (ARD) dahil ito ang nag-iisyu ng icard para sa mga may hawak ng approved immigrant and nonimmigrant visas gaya ng working visas, married to Filipina visas.
Kapag may approved visa ang isang dayuhan, iisyuhan na siya ng Alien Certificate of Registration (ACR) icard ng ARD.
Sa ARD ang final screening process ng mga isinumiteng dokumento ng aplikante o ng kompanya.
Paano naman titino ang BI kung ang hari umano ng encoding ng fake arrival at departure ay nasa ARD daw?
Sadyang malaking sakit ng ulo ng gobyerno ang napakalalim at napakalalawak na operasyon ng sindikato ng mga dayuhan sa Pilipinas, ang nakakagalit ay ang pakikipagsabwatan sa kanila ng mga kapwa natin Pilipino na tayo ang nagpapasuweldo.