Fri. Nov 22nd, 2024

MAAARING hindi na makamit ang minimithing kapayapaan sa panahon ng administrasyong Marcos Jr . at malabong matupad ang kanyang hangarin na wakasan ang lahat ng armadong tunggaliang nagsimula noong rehimeng Marcos Sr.

Ito ay kung patuloy niyang kukunsintihin na gamitin para sa interes ng mga oligarch ang iwinawasiwas na counter-insurgency program ng militar at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para bigyan proteksyon ang mga negosyo ng mga kakampi niyang dambuhalang mga negosyante, gaya ni Enrique Razon at iba pa.

Napaulat sa website ng Communist Party of the Philippines (CPP), nangangamba ang mga residente ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal sa ikinabit ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na “libreng wifi” sa kanilang barangay noong Mayo.

Ayon sa ulat ng Kalatas, pangmasang pahayagan ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog, inilagay ang “solar-powered na libreng wifi” para gamitin sa pagmamanman sa mga residente, sang-ayon umano sa utos ng NTF-ELCAC.

Mismong ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang naglantad sa umano’y layunin ng “libreng serbisyo.”

Sa isang pulong noong Mayo 24, inatasan umano ng mga tauhan nito ang mga residente na gamitin ang libreng wifi para “umugnay sa NTF-ELCAC at mag-ulat ng mga bali-balita upang panatilihin ang kapayapaan ng barangay.”

Para makagamit, kailangang mag-log-in sa isang page at ilagay ang pangalan, edad at kasarian ng gagamit.

Ibig sabihin, iipunin ng NCIP at NTF-ELCAC ang personal na impormasyon ng mga gagamit ng serbisyo.

Itinayo ang “libreng serbisyo” ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang United Nations Development Programme (UNDP) at Broadband ng Masa.

Ayon sa Protect Sierra Madre Network, “Nakababahala ang pagpapatuloy ng notoryus na whole-of-nation approach ng EO 70 kung saan piyesa ng NTF-Elac ang anumang sangay at programa ng [gobyerno] para itulak ang madugo nitong gera kontra-‘insurhensya’ [laban sa mamamayan].”

Sa buong Montalban, tanging ang Barangay San Rafael ang binigyan ng “libreng wifi” ng pambansang gobyerno.

“Bahagi ito ng militarisasyon ng mga yunit ng AFP na nagsisilbing guwardya sa mapangwasak na Wawa Violago Dam ng Prime Metro Power Holdings Corportation at San Lorenzo Ruiz Builders & Developers Group, Inc. Pagmamay-ari ng mga kroning Enrique Razon at Oscar Violago ang dalawang kumpanya,” anang ulat.

Nagdulot na anila ng patung-patong na kaso ng iligal na pang-aaresto, pagdukot, at pamamaslang ang pagkubabaw ng NTF-ELCAC at ng militar sa mga interyor na komunidad na tulad ng Barangay San Rafael.

Nasungkit din ni Razon ang Malampaya project pati ang P2-B proyekto para sa rehabilitasyon, upgrade, at modernisasyon ng mga linya at mga pasilidad ng Central Negros Electric Cooperative (Ceneco) at ngayo’y nakikipagtunggalian sa isa pang oligarch, si Manuel V. Pangilinan para sa  Manila Electric Company (Meralco).

Naging kontrobersyal din ang pagdukot ng militar kina Jed Tamano at Jonila Castro, parehong aktibista mula sa grupong AKAP Ka Manila Bay na kumokontra sa reclamation projects sa Manila Bay bunsod ng masamang epekto nito sa kalikasan.

Hindi sinunod nina Tamano at Castro ang “script” ng militar na sila’y mga rebeldeng NPA na sumuko at sa halip ay isiniwalat nila sa NTF-ELCAC sponsored press conference na sila’y dinukot ng mga ahente ng estado at sila’y environmental activists.

Nahaharap pa sa kasong perjury sina Tamano at Castro dahil sa pagbubunyag ng malagim nilang sinapit sa kamay ng militar.

Malinaw na tama ang itinambol nilang adbokasiya, lumubog sa baha ang Metro Manila at mga karatig na lalawigan sa pananalasa ng Bagyong Carina at ang itinuturong dahilan ay ang mga reclamation projects na tinutulan ng grupo nina Tamano at Castro.

Hindi umimik si Marcos Jr. laban sa perwisyong idinulot ng mga kasangga niyang oligarko na pasimuno ng reclamation projects gaya ng:

  1. P735 bilyon na New Manila International Airport sa Bulacan ng San Miguel Corporation (SMC) na may 2,500 ektarya ang lawak ni Ramon Ang
  2. 5 bilyon na Bacoor Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation nig pamilya ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel
  3. Diamond Reclamation and Development Project ng Diamond Export Corporation sa Cavite na 420 ektarya ang pinagsamang lawak
  4. 4 bilyong Manila Waterfront City Project ng Waterfront Manila Premier Development Inc. sa Maynila na 328 ektarya ang lawak ni William Gatchalian, ama nina Sen. Win, DSWD Secretary Rex at Valenzuela City Mayor Wes.
  5. P60 bilyong Horizon Manila Reclamation Project ni Jesusito Legaspi Jr.
  6. P57 bilyong Pasay Harbor City Project ni Dennis Uy
  7. 4 bilyong Navotas Coastal Bay Project ni Ramon Ang
  8. P50 bilyong Manila Solar City Project nina Wilson, Willy at William Tieng
  9. P100 bilyong Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Project ng SM Prime ni Hans Sy
  10. 8 trilyong New Manila Bay City of Pearl Reclamation Project ng UAA Kinming Group Development Corp. ni Kitson Soriano Kho
  11. 2 bilyong Manila-Cavite toll expressway reclamation project ng Cavitex Infrastructure Corporation nina Raul Ignacio, Rogelio Singson, at Jorge Consunji

Sabi nga ng isang kaibigan, “Ang politika at negosyo ay intertwined.” Hindi maaaring maghiwalay dahil binubuhay ng mga ganid na negosyante ang karera sa politika ng mga mandarambong sa gobyerno.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *